Vendors sa Quiapo Church, nilimas kahit bayad sa puwesto

Kasabay ng pagsalubong sa Bagong Taon ang paghahanda para sa Pista ng Itim na Nazareno.
Kabilang na rito ang paninigurado na magiging maayos ang daloy ng prusisyon kaya naman sinimulan na ng Manila City Hall ang araw-araw na clearing operations sa paligid ng Quiapo Church at ruta ng prusisyon noong Enero 2.
Sa halip na matuwa dahil magiging malinis ang paligid ng Simbahan, maraming vendors ang nagulat at nadismaya dahil sa anila’y gulatang clearing operations.
Sinabihan umano sila na Enero 7 pa sila pagliligpitin ng mga paninda para sa Traslacion dahil Enero 8 ilalabas ang Poon para dalhin sa Rizal Park habang Enero 9 naman ang mismong Traslacion.
Ang ilang vendors ay nagpakita pa ng hawkers fee receipt bilang patunay na nagbayad sila ng renta sa puwesto, kamakailan.
Pinapayagan silang magtinda sa bangketa habang nagbabayad ng ‘etneb ticket’ ng City Hall o ‘yung beinte pesos kada araw na pagtitinda.
Ayon sa head for operations ng Hawkers Management ng city hall, prebilehiyo at hindi karapatan ang ‘etneb tickets’ kaya anumang oras ay puwedeng i-revoke ito.
Bagama’t, hindi naman daw magpapasaway ang mga nagtitinda, sana ay sumunod sa sinabing palugit ang pamahalaan ng lungsod.
Pero ‘ika nga nila, wala na tayong magagawa dahil nasimulan na ang clearing operation kaya panawagan natin sa mga nagtitinda at mga dumaraan, makiisa sa paglilinis at ‘wag maging sakit ng ulo dahil kaunti lang itong sakripisyo para sa Pista ng Itim na Nazareno
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments