top of page

Libreng edukasyon, sapat na pagkain at trabaho para sa lahat, ‘wag lang sanang manatiling pangarap

  • Sonny Angara
  • Jan 4, 2020
  • 2 min read

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Huli man daw at magaling, naihahabol pa rin. Kaya bago tayo magsimula, babati muna tayo sa lahat ng Happy New Year!

Napakabilis talaga ng panahon dahil parang kailan lang nu’ng nagsimula tayong magsilbi sa publiko noong 2004 bilang congressman ng Aurora sa loob ng siyam na taon; naging senador sa kauna-unahang pagkakataon noong 2013 at binigyan ninyo ng isa pang pagkakataon bilang inyong senador noong 2019.

Pero ‘yung bilis ng panahong ‘yun, hindi nasayang dahil sa iba’t ibang malalaking batas na isinulong ng inyong lingkod — mga batas na ngayon ay napakikinabangan na ng ating mga kababayan.

Isa sa mahahalagang batas ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o mas kilala bilang Free College Tuition. Libreng kolehiyo na ngayon ay tinatamasa ng mga college student sa state universities and colleges sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kung noon, anak-mayaman o may kaya lamang sa buhay ang nakapagtatapos ng kolehiyo, ngayon, mula nang maisabatas ang free college, lahat na ng ating mga anak ay may kapasidad nang makatapos ng pag-aaral.

Napakahalaga ng may natapos dahil ito ang magiging tulay natin upang tayo ay makahanap ng magandang trabaho.

Kung tayo ay mula sa pinakamahihirap na pamilya, ‘wag tayong mawalan ng pag-asa dahil sa pamamagitan ng libreng kolehiyo, malaki ang tsansa na makapagtapos tayo.

At sa sandaling makapagtapos, malaki rin ang ating pag-asang makakuha ng maayos na hanapbuhay, maging ganap na propesyunal at maging instrumento ng ating pamilya sa pag-angat sa buhay.

At ito ang tutupad sa pangarap at dasal ng bawat isa: Ang kasaganahan — hindi para sa ating sarili lamang kundi para sa lahat ng mga kababayan nating patuloy na naghihirap.

Ngayong Bagong Taon, dalangin natin na ang lahat ng Pinoy ay magkaroon ng ikabubuhay para sa kani-kanilang pamilya. Walang imposible sa Panginoon kaya patuloy tayong manalangin ng Kanyang gabay at pagpapala.

Pangarap natin na bawat Pinoy ay may maayos na pagkain sa araw-araw, wala nang magugutom, lahat ay may bahay na masisilungan at namumuhay nang payapa.

Sa lahat ng mga manggagawa sa iba’t ibang sektor ng lipunan, nawa’y maging maunlad tayo at patuloy na maging sandigan ng ating pamilya sa pagharap sa anumang pagsubok sa buhay.

Sa ating mga bagong bayani — ang mga OFW, dalangin natin ang inyong kaligtasan sa lugar na inyong kinaroroonan (nais nating ipaabot ang pakikiramay sa mga pamilya ng dalawang kababayan nating OFWs sa

Singapore na nasawi matapos araruhin ng SUV nitong Disyembre 29 habang nagkakasiyahan kasama ang iba pang OFWs), tagumpay sa inyong pangarap para sa inyong mga mahal sa buhay, kapalit ng inyong sakripisyong mapalayo nang ilang taon.

Sa pagsisimula ng bagong dekada sa ating buhay, nawa’y matupad nating lahat ang ating pangarap — pangarap na hindi lamang sa inyo, sa kanila o sa atin kundi ang pangarap nating lahat na maging maunlad na bansa at maunlad na sambayanan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page