Disiplina, hindi dagdag-bawas sa mga sasakyan ang solusyon sa trapik
- Fr. Robert P. Reyes
- Jan 4, 2020
- 2 min read
Matatandaang, unang dumating ang Uber bilang isa sa mga ‘mode of transportation’, saka sinundan ng Grab. Kalaunan, nawala ang Uber na siyang dahilan kaya namayagpag ang Grab kung saan libu-libo ang tumangkilik dito kahit pa hindi hamak na mas mataas ang pamasahe nito kumpara sa karaniwang PUV.
Sa kabilang banda, kasabay ng pagdami ng mga tumangkilik sa naiwang “ride service”, dumaraing naman ang mga drayber ng taxi dahil naapektuhan nito ang kanilang kabuhayan.
Marami na tayong nasakyang taksi at pribadong sasakyan na nagtataka kung bakit tila hindi matapus-tapos ang problema sa trapiko. Kung mapapansin, habang tumatagal ay sige lang ang pagdagsa ng mga sasakyan, pribado man o pampubliko. Sa totoo lang, ang pagkapal ng “volume” ng mga sasakyan ang isa sa mga dahilan kung bakit mabigat ang daloy ng trapiko.
Gayunman, sa nagdaang tatlong taon, hindi man lang na-regulate o nakontrol ang dami ng mga sasakyan — luma o bago man ay malayang nakakapagbiyahe sa mga kalsada sa Metro Manila at karatig-probinsiya.
Bagama’t, bahagyang naisaayos ang ilang provincial roads, imposible nang magawa ito sa Metro Manila.
May nagsabing magandang pag-aralan ang paglagay ng Skyway mula Monumento hanggang Baclaran at iba pang imprastruktura na may kinalaman sa pagpapalawak ng mga pangunahing kalsada.
Samantala, bago mag-Pasko, nagkaroon ng kiskisan at pagtatagisan ng mga motorcycle taxi kabilang ang Angkas, Joy Ride at Move It. Nagulat ang marami nang dinagsa ang EDSA ng libu-libong Angkas riders upang tutulan ang planong bawasan ang bilang ng kanilang riders na mula 27,000 ay ibinaba ito sa 10,000 na lamang.
Ang dahilan ng pamahalaan ay upang magkaroon ng kompetisyon na magpapababa sa pamasahe at magpapaganda sa serbisyo ng mga “motorcycle taxi”.
Pagdaragdag o pagbabawas ba talaga ng mga sasakyan ang sagot sa malaking problema ng trapik sa bansa o disiplina at pakikisama ng motorista? Kailangan ba talagang palawakin ang imprastruktura o kailangang maging sincere ang gobyerno para malutas ang problema? Paano ba talaga malulutas ang matinding trapik sa Metro Manila at iba pang mga siyudad?





Comments