Pugante, utas sa pulis

Bulagta ang isang preso nang manlaban umano sa mga pulis na nagtangkang muli siyang hulihin matapos pumuga kamakailan sa Balayan, Batangas.
Ayon kay Balayan Police Chief Captain Jeffrey Dallo, nakipagbarilan umano ang detenidong si Salvador de Ocampo nang matagpuan siya ng mga awtoridad na nagtatago sa isang bangka sa baybayin ng Balayan.
Inaalam na rin ng pulisya kung paanong nakakuha ng kalibre .38 baril si De Ocampo.
Una nang dinakip si De Ocampo noong Oktubre ng nakaraang taon dahil sa kasong murder.
Nakapuga ito at ang kapwa nito detenidong si Roderico Legaspi noong alas-3:30 ng Disyembre 31 nang lumikha ang mga ito ng sunog sa loob ng kanilang selda.
Nang mawala ang usok ay nadiskubre ng mga pulis ang ginawang butas ng dalawang preso sa kongkretong pader ng piitan.
Sinabi ni Dallo na nagnakaw pa ng bangka ang mga preso ngunit, inabandona rin nang mawalan ng gasolina.
Mayroon lamang aniyang nagtimbre sa kanila na may lalaking nagtatago sa bangka kaya agad nilang nirespondehan ang lugar.
Wala si Legaspi sa lugar nang mangyari ang shootout dahil naghanap umano ng makakain ngunit, muli rin siyang nahuli nang galugarin ng pulisya ang bisinidad malapit sa kinaroroonan ni De Ocampo.





Comments