top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

OFW, patay sa babaeng amo.. Deployment ban sa Kuwait — DOLE

  • Madel Moratillo
  • Jan 3, 2020
  • 1 min read

Magpapatupad na ng partial deployment ban ng mga overseas Filipino worker ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Kuwait.

Ito ang inanunsiyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III kasunod ng panibagong pagkamatay ng isang Pinay sa Kuwait na si Jeanelyn Villavende.

Sinabi ni Bello na sa ilalim ng partial deployment ban ay ipagbabawal ang pagpapadala ng mga bagong OFW patungong Kuwait kung saan partikular na apektado rito ay ang mga household service workers.

Kasabay nito, nagbabala si Bello na maaari itong mauwi sa total deployment ban kung hindi mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Jeanelyn.

Sa pagdedeklara ng partial deployment ban ay nais aniya nilang ipakita na seryoso ang gobyerno sa pagbibigay-proteksiyon sa mga OFWs.

Kasabay nito, sinabi ng kalihim na pinagpapaliwanag na rin nila ang 5 Star Recruitment Agency dahil Setyembre 2019 ay nagreklamo na si Jeanelyn na sinasaktan ito ng employer.

Giit ni Bello, may reklamo na pala ng pananakit ay bakit hindi inilipat ng ibang employer si Jeanelyn?

Bukod dito, may sumbong din aniya mula sa pamilya ni Jeanelyn na kulang ang suweldo na ibinibigay dito nitong mga nakalipas na buwan.

Depende ayon sa kalihim sa magiging sagot ng recruitment agency ang ipapataw nilang parusa rito.

Matatandaang, una nang nagpatupad ang pamahalaan ng total deployment ban ang Pilipinas sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ni Joana Demafelis na natagpuan sa loob ng freezer.

Tiniyak naman ni Overseas Workers Welfare Administrator Hans Leo Cacdac na tutulungan ng gobyerno ang pamilya ni Jeanelyn.

Sa ngayon, wala pa aniyang katiyakan kung kailan maiuuwi sa bansa ang labi ni Jeanelyn dahil patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page