Naki-New Year.. 2-anyos ni-rape ng BFF ni daddy

Kalunus-lunos ang sinapit ng dalawang taong gulang matapos umanong halayin ng kaibigan ng kanyang ama sa Iligan City.
Bugbog-sarado naman sa mga residente ang suspek na si Ibrahim Bulo Adiong, 27, residente ng Bgy. Tomas Cabili, Iligan City.
Batay sa pagsisiyasat ng Iligan City Police, nagtungo ang suspek sa bahay ng ama ng biktima para makipag-inuman at doon na rin salubungin ang Bagong Taon.
Alas-2:40 ng madaling-araw ng Enero 1 nang silipin ng ama ang kanyang anak na iniwan nitong natutulog at doon nadiskubreng nakakubabaw ang suspek sa biktima na walang saplot na pang-ibaba.
Sinasabing hindi agad narinig ng pamilya ng paslit ang paglapastangan sa kanya dahil sa malalakas na putukan sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Duguan ang ari ng bata na walang kalaban-laban sa pagsasamantala ng kaibigan ng tatay nito. Nang makita ng ama ng biktima ang ginawa ng suspek ay agad niya itong hinila palabas ng bahay at nagpasaklolo sa mga kapitbahay.
Nagtangka pang tumakas ang suspek ngunit, hinabol siya ng mga kapitbahay ng biktima saka binugbog. Nang rumesponde ang mga pulis, naabutan nilang puno ng mga sugat ang katawan at maga ang mukha ng suspek. Nasamsam din mula sa kanya ang isang pakete ng hinihinalang shabu.
Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang suspek habang pinadoktor na ang paslit na nakaranas ng trauma sa nangyari.





Comments