top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mga paghahanda bago magbalik-iskul o trabaho pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon

  • Bong Revilla
  • Jan 3, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Hindi biro ang pinagdaraanan ng marami tuwing sasapit ang Pasko at Bagong Taon dahil sa sangkatutak na masasarap na pagkain na ating kinaharap, nilantakan at kinalimutan muna ang diet para pagbigyan ang mga kaanak.

Karamihan sa atin, ilang raw na lang ay magbabalik na naman sa trabaho at school kaya makabubuting ihanda na natin ang ating sarili para magampanan nang mabuti ang mga tungkulin.

Sa ilang araw na nalalabi ay makabubuting gumalaw-galaw o magbalik-ehersisyo para makondisyon ang ating pangangatawan at medyo mabawasan ang mga tabang dumagdag sa ating katawan.

Malaking bagay kung makararanas tayo na pagpawisan kahit ilang minuto lamang para umayos ang ating blood circulation at maaari itong gawin sa pamamagitan ng paglilinis, paglalakad o paglalaro.

Bawasan na rin ang pagdalo sa mga inuman o limitahan na lamang sa ilang baso o bote ang iinuming alak para hindi malasing at mapalakas pa sa pulutan.

Hindi kailangang uminom ng marami para maging masaya at kapag lasing na ay medyo napapalakas sa pagkaing maalat at taba na pangunahing dahilan para maging ‘high blood’.

Huwag na ring sumabak sa matinding kainan, huwag piliting ubusin ang mga tirang pagkain o handa sa refrigerator habang naghihintay tayong magbalik-trabaho.

Samantala, hindi kaila na kapag Pasko at Bagong Taon ay malamig ang panahon at marami sa atin ang nagkakasakit tulad ng pagkakaroon ng ubo at sipon dahil sa papalit-palit na klima.

Sa ilang araw na natitira ay makabubuting tutukan natin ang ating kalusugan o palakasin natin ang ating immune system na posibleng bumagsak dahil sa puyat at pagod nitong nagdaang Kapaskuhan. Uminom ng vitamins para makaiwas sa sakit.

Kung meron ka nang maintenance na gamot, makabubuting makipag-usap ka sa iyong doktor para matiyak kung akma pa ang iniinom na gamot na inireseta sa iyo noong nakaraang taon.

Huwag ding mag-isip na porke may maintenance ka na, eh, kaya mo nang kainin lahat na siyang katwiran ng marami, baka hindi ka na umabot sa susunod na Pasko kung paiiralin mo ang tigas ng ulo.

Makabubuti rin na iwasan na muna ang mga matatamis na pagkain tulad ng leche flan, cake at mga kahalintulad nito para makasigurong hindi tataas ang iyong sugar level na posibleng makaapekto pa sa iyong pagbabalik sa trabaho.

Huwag na ring umalis ng bahay para makapag-relax nang maayos at makaiwas sa gastos para makabawi hindi lang sa lakas ng pangangatawan kundi sa pamilya na madalas ay hindi natin nakakasama.

Yayain din nang sabay-sabay sa simbahan ang iyong pamilya para magsimba at tuloy ay makapagpasalamat sa masaganang buhay na ibinigay sa atin sa pagpasok ng panibagong taon.

Higit sa lahat ay umiwas muna sa stress, alam naman natin ang pinagdaanan na natin nitong mga nakaraang araw na kahit masaya ay punumpuno ng stress dahil sa dami ng tao na nais nating mapasaya.

Ngayon isipin naman natin ang sarili, para makapaghanda tayo sa pagbabalik-trabaho!

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page