Mga pasaway na pulis nu’ng Bagong Taon, walang lusot, kakastiguhin

Sa kabila ng mga paalala at babala ng awtoridad para maging mas ligtas ang pagsalubong sa Bagong Taon, matigas talaga ang ulo nating mga Pinoy.
‘Yung tipong kahit alam namang ipinagbabawal, dedma lang dahil ang katwiran nila, minsan lang naman sa isang taon, gayundin, para maging mas masaya ang pagdiriwang.
Ang masaklap, ilan sa kanila ay alagad ng batas na dapat ay nakikiisa sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko.
Kaugnay nito, kahit tapos na ang mismong okasyon, patuloy na hinihimok ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na magsumbong ng mga namataang gumamit ng baril at ipinagbabawal na paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Giit ng PNP, dapat managot ang mga lumabag sa batas kahit kasamahan pa nila ang mga ito sa serbisyo. Kailangan umano ng disiplina para sa pangmatagalang kaayusan, lalo na kapag may ganitong okasyon o selebrasyon.
Gayunman, ikinatuwa ng PNP ang mapayapang pagsalubong sa Bagong Taon at walang malaking nakapinsala sa marami nating kababayan.
Dapat lang na managot sa batas ‘yung mga patuloy na nagpapasaway.
Hindi porke naging mapayapa ang pagsalubong sa taong ito ay dapat na silang makalusot.
Gayundin, walang dapat santuhin ang mga awtoridad kaya maliit man o malaki ang paglabag, maaari itong magdulot ng peligro sa ating mga kababayan.
Paalala sa publiko, ‘wag kayong matakot magsumbong ‘pag may mga kakilala kayong lumabag sa mga ipinatutupad na batas.
At tayo namang mamamayan, anumang okasyon at selebrasyon, ‘wag nating pairalin ang pagiging pasaway at ‘wag nating kalimutan na lahat ng paghihigpit, paalala at babala ng mga awtoridad ay para rin sa ating kaligtasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments