Mga Pinoy, problemado man, positibo pa rin sa pagharap sa 2020

Sa huling araw ng taong ito, marahil ay mapapaisip na tayo kung paano natin haharapin ang panibagong taon na darating.
Ito ay dahil sa mga nakaraang taon, maraming nakaranas ng pagkalito sa totoong hangarin sa buhay — ‘yung tipong maraming tanong na ano, bakit, paano? At kahit gaano natin kagustong masagot ang mga tanong na ito, walang ibang makasasagot nito kundi tayo.
Kasabay ng araw-araw na pakikipaglaban natin sa mga hamon ng buhay, hindi natin maitatangging may mga lumabong relasyon, pagkakaibigan at katuparan ng pangarap, pero hindi ito dapat maging hadlang para harapin ang susunod na taon nang may malinaw na hangarin.
Hindi man naging da best ang taon na ito para sa ating lahat, hindi ito sapat na rason para magpaka-‘nega’ dahil kamakailan, lumabas sa isang survey na 96% ng mga Pinoy ang sasalubong sa 2020 nang may pag-asa at walang pangamba.
Minsan, nakakadala talaga ‘yung hindi magagandang karanasan natin kaya hindi maiiwasan na maging bitter o kalimutan ang palaging sinasabi sa atin na kapag may pintuang nagsara, may panibagong magbubukas.
Samantala, hindi pa man tuluyang pumapasok ang 2020, may mga pahabol pang pagsubok at may nakaabang nang mga isyu sa bansa.
Kabilang na rito ang paghagupit ng mga Bagyong Tisoy at ‘Ursula’, pagtaas ng mga bilihin at pamasahe, gayundin ang hindi pa nareresolbang problema sa pampublikong transportasyon.
Ang mga isyung ito ay hindi ipinaalam sa atin para mangamba sa susunod na taon kundi para harapin natin ito nang sama-sama at sabay-sabay na magkaroon ng pag-asa.
Huwag tayong matakot na i-let go ang mga tao, bagay o karanasan na nagdulot sa atin ng sakit.
Year 2020 na, dapat maging malinaw sa atin na ang pagpasok ng Bagong Taon ay senyales na may panibago na naman tayong oportunidad na maging masaya at positibo sa susunod na mga araw.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments