Markadong 2019 para sa asam na Tokyo Olympics

Nagmarka ang panahon ng 2019 bilang isang makasaysayang taon sa larangan ng pampalakasan para sa mga Filipinong atleta mula sa amateur ranks simula lokal at pandaigdigang kompetisyon.
Nagsilbi itong simula ng liwanag para sa international events ng mga Filipinong atleta matapos ang pagkubra ng dalawang Olympic slot sa Tokyo Games sa Agosto, pag-angat ng Azkals, gayundin, ang paboritong basketball at boxing, kabilang ang nauusong E-Sports sa mga kabataan.
Muling kinubra ng Pilipinas ang ikalawang over-all title nito sa 30th Southeast Asian Games nitong simula Nobyembre 24-Disyembre 10 sa iba’t ibang panig ng palaruan sa Luzon. Inirehistro ng bansa ang record-breaking na 387 medals mula sa 149 gold, 117 silver at 119 bronze medals mula sa 56 sports na may 530 events.
Naduplika ang “Miracle of 2005” noong Manila Games kung saan nagbulsa ang Pilipinas ng 112 golds, 85 silvers at 93 bronze medals para sa 40 sports na may 443 events, 14 na taon ang nagdaan. Nagkaroon ang Pilipinas ng dalawang Olympic qualified na atleta sa 2020 Tokyo Summer Games sa katauhan nina Pole Vaulter Ernest “EJ” Obiena nang makuha ang qualifying mark na 5.81 record sa Salto Con L’Asta Piazza Chiari meeting 2019 (Auction Meeting in the Square Pole Vault 2019) sa bansang Italy noong Setyembre at Carlos Edriel “Caloy” Yulo nang makuha ang qualifying standard at gold medal sa FIG Artistic Gymnastics World championships sa Hanns-Martin-Schleyer-Halle Arena sa Stuttgart, Germany noong Oktubre.
Ayon sa Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC), umaasa silang madadagdagan pa ang bilang ng mga kuwalipikadong atleta sa quadrennial meet mula kina 2016 Rio Olympic silver medalist Hidilyn Diaz, skateboarder at 2018 Asian Games golden winner Margielyn Didal, judoka at 4-time SEA Games champion Kiyomi Watanabe, World Boxing Championships medalists Eumir Marcial at Nesthy Petecio, golfer Yuka Saso, 3x3 basketball team at iba pang manlalaro sa athletics, swimming, baseball, karatedo, taekwondo.
Sa unang pagkakataon ay nakapasok ang Philippine Azkals sa AFC Asian Cup, na pangunahing torneong sinalihan ng Pilipinas kung saan kinokonsidera silang dark-horse matapos ang magandang laban nito sa powerhouse na South Korea na nagtapos lamang sa 0-1 iskor. Ngunit natalo ulit sa China sa 0-3 at nakapuntos ng isa sa Kyrgyzstan.
Naging maganda rin ang performance ng Azkals men’s under-22 sa SEA Games ng makuha nito ang 2 wins, 1 draw at 1 loss para sa 7 points, ngunit, hindi sapat para makapasok ito sa semifinals. Gayunman, naging maningning ang laro ng mga ito nang talunin ang 2017 Kuala Lumpur Games silver medalist na Malaysia via 1-0. Nakuha ng Gilas Pilipinas ang qualifying mark sa World Cup matapos talunin ang Kazakhstan, 93-75 at gibain ng South Korea ang Lebanon, 84-72, upang mapasama sa pinal na 32 koponan sa China.





Comments