top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Torotot at piccolo, hindi ligtas para sa mga bata

  • Bong Revilla
  • Dec 30, 2019
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Bukas ng hatinggabi, sabay-sabay nating sasalubungin ang pagpasok ng Bagong Taon. Bukod sa paghahanda ng iba’t ibang putahe sa lamesa ay may mga kababayan tayong naglalaan ng panahon sa pagpapaputok.

Hindi lamang karaniwang tao ang nahihilig dito dahil may mga kilala kaming negosyante na truck-truck kung bumili ng paputok at kadalasan ay galing pa sa ibang bansa dahil sa nakagisnang tradisyon.

Pero hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na may utos si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagbabawal sa paputok dahil taun-taon ay marami ang nadidisgrasya at karamihan ay mga bata.

Lalo pa at alam nating aktibo na naman ang mga pagawaan ng paputok sa Bulacan at ilan sa kanila ay illegal ang operasyon na minamanmanan ng Philippine National Police (PNP), ngunit, sadyang madudulas ang mga ito.

Malaking problema rin na malayo pa ang Bagong Taon ay tapos nang gawin ang mga paputok na nailabas na ng Bulacan, may impormasyon na noong Oktubre pa ay naikalat na sa buong Metro Manila at karatig-probinsiya ang mga ilegal na paputok.

Alam ng mga manufacturers na pagsapit ng Disyembre ay kabi-kabila na ang isinasagawang checkpoint ng PNP at kung hindi mahuhuli ang mga manufacturers ng bawal na paputok ay kailangang “maglagay” ng malaki para makalusot sa inspeksiyon.

Kabilang sa ilegal na paputok ay ang Piccolo, Five Star, Watusi, Giant Whistle Bomb, Giant Bawang, Large Judas Belt (sinturon ni Judas), Super Lolo, Super Thunder, Atomic Bomb, Triangulo, Pillbox, Boga, Kwiton, Goodbye Earth, Sawa at Goodbye Philippines na nakasaad sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 28 na mahigpit na ipinagbabawal.

Ang kapansin-pansin ay ang patuloy na bentahan ng piccolo na nakakapagtakang hindi isinama sa EO No. 28, samantalang, taun-taon ay nangunguna ito sa paputok na pumuputol sa daliri ng mga batang pasaway.

Noong nakaraang taon, mula Disyembre 24 hanggang 31 ay umabot sa 24 na bata ang naitalang nasugatan, nabulag at nabawasan ng daliri dahil sa paglalaro ng piccolo na nabibili kahit sa mga ordinaryong tindahan sa murang halaga.

Hindi lamang paputok ang delikado dahil may mga iniulat din noong nakaraang taon na nakalunok ng ‘dila’ ng torotot o ito ‘yung maliit na bagay na napakanipis at tila dilang nakaharang sa butas ng torotot para tumunog kapag hinihipan.

Kapag nagkamali ng ihip ang bata ay nahihigop nito ang manipis na yero at kailangan pang isailalim sa operasyon para makuha ito sa lalamunan ng bata o depende kung saan ito umabot.

May mga torotot na gawa sa plastic, mas magandang ito na lamang ang bilhin natin para ligtas ang mga bata sa pagsalubong sa Bagong Taon at makagawa ng ingay nang ligtas.

Sa ngayon ay kitang-kita naman nating kabi-kabila na ang paghahanda ng mga ospital hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsiya.

Kung hindi lamang masamang mag-isip ng masama sa kapwa ay ipananalangin nating ang mga nagbebenta ng paputok na lang sana ang maputukan para hindi na malagay sa alanganin ang kanilang kapwa lalo na ang mga bata.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page