Silipin ang pag-angat sa performance ng Pinoy MMA fighter nitong 2019
- Gerard Arce
- Dec 30, 2019
- 3 min read

Naging makasaysayan ang 2019 para sa mga Mixed-Martial Arts enthusiasts, practitioners at fighters dito sa Pilipinas at sa buong mundo. Nasilayan din ang mga pag-angat at pagbagsak ng ilang mga manlalaro at muling pagbangon ng mga ito para na rin sa karangalan ng bansa. Sino ba ang hindi nakakaalam sa Team Lakay, na kapag nabanggit ang koponang ito ay unang pumapasok sa isip natin ay ang mga mandirigma o palabang MMA fighters mula sa Norte. Unang sumasagi sa isipan ng mga Filipino ay si Eduard “The Landslide” Folayang.
Hindi naging maganda ang pasimula ng taon kay Folayang ng dalawang sunod na beses mabigo ito kabilang ang pagkawala ng titulong Lightweight championship kay Shinya Aoki sa pamamagitan ng Arm-Triangle Choke sa ONE: New Era noong Marso 31 sa Tokyo, Japan.
Sunod na sumabak ang 35-anyos na Baguio City-native sa Dawn of Heroes noong Agosto 2 sa MOA. Pasay City. Dito ay nakalaban niya si dating UFC at Bellator lightweight champ Eddie Alvarez. Naging maganda ang pagsisimula noon ni Folayang ng mapabagsak si Alvarez, ngunit dahil sa isang pagkakamali ay napunta ito sa delikadong sitwasyon at nahuli ni Alvarez sa rear-naked choke si Folayang sa unang round.
Subalit nitong Nob. 8 na ginanap muli sa bansa ay nagwagi na si Folayang sa pamamagitan ng technical decision matapos ipahinto ng referee ang laban dahil sa natamo niyang malaking cut sa mukha laban kay Amarsanaa Tsogookhuu ng Mongolia.
Ang pinakabatang si Joshua Pacio naman ang nananatiling may titulo sa Team Lakay, ngunit hindi rin naging maganda ang panimula ng taon kay Pacio ng maagang mawala ang titulo kay Yosuke Saruta noong Enero 19 sa ONE: Eternal Glory sa bisa ng split decision, gayunman, matinding pagbawi ang kanyang ginawa noong Abril 12 sa ONE: Roots of Honor nang pabagsakin si Saruta sa 4th round upang makuhang muli ang ONE Strawweight title. Matagumpay niyang naidepensa ang titulo sa Mastrs of Fate laban sa kapwa Pinoy na si dating Wushu world champion at Southeast Asian Games gold medalists Rene “DChallenger” Catalan sa bisa ng submission victory sa 2nd round.
Tinapos din nina dating ONE Bantamweight World Champion Kevin Belingon ang serye ng bakbakan nila ni Bibiano Fernandes na dalawang beses siyang tinalo sa Tokyo Japan noong Marso 31 na nauwi sa disqualification dahil sa illegal elbows at noong Okt. 13 sa bisa ng rear-naked choke.
Isang beses lamang lumaban ngayong taon si Brandon “The Truth” Vera sa ONE: Century part 2 ng subukan nitong agawin ang titulo ni Aung La N Sang na Light-Heavyweight title. Natapos ang laban nila sa isang technical knockout kontra Burmese fighter noong Oktubre 13 sa Tokyo, Japan. Nananatili pa ring kamepon ang 42-anyos na Filipino-American fighter sa ONE Heavyweight division. Sa URCC pa rin, nauwi sa isang No Contest fight ang nag-iisang laban ni Mark “Mugen” Streigl laban kay Shunichi Shimizu ng Japan sa URCC 77: Raw Fury noong Abril 27 sa Cove Manila para sa Featherweight title ng Filipino-American.
Napanatili rin ni Ernesto Montilla, Jr. ang kanyang Flyweight title laban kay Ediberto Coquiao Jr. para sa unanimous decision win, habang si women’s flyweight Geli Bulaong naman ay nagawang makuha ang unanimous decision victory kay Hyun Ji Jang ng South Korea. Pagdating naman sa SEA Games, nagpakitang-gilas din ang mga Pinoy MMA fighters kung saan karamihan sa kanila ay nag-uwi ng gintong medalya sa kani-kanilang larangan. Ipinamalas ni Striegl na hindi lang sa loob ng octagon ring ito kayang magwagi ng kampeonato, maging sa Sambo mats rin nang kunin ang titulo sa men’s 74-kgs combat Sambo category nang talunin ang Singaporean opponent na si Ashvin Jaswant via 8-0.
Silver medal ang naiuwi ni ONE strawweight contender Rene Catalan sa men’s combat sambo. Wagi rin si URCC fighter Ariel Lampacan at Ryan Jakiri ng gold medal sa Muay Thai, maging sina ONE fighters Ryan Jakiri ng silver medal at Team Lakay members Gina Iniong, Jerry Olsim, at Jean Claude Saclag sa Kickboxing. Ang iba pang MMA fighters na sina Patrick Manicad at Jose Mondejar ay nagwagi ng bronze medal sa men’s Combat Sambo.





Comments