Rehas nilagari, 4 na preso nakapuga

Apat na person deprived of liberty (PDL) ang nakapuga habang nasa kustodiya ng Pritil Police Community Precinct (PCP) na sakop ng Manila Police District-Station 1, sa Tondo, Manila nitong Disyembre 26.
Ayon sa impormasyon, kamakalawa ng hapon, isa na ang muling naaresto na kinilalang si Christopher Salgada, may kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (illegal gambling) na dinakip sa paglalaro ng cara y cruz.
Habang patuloy na nakalalaya ang tatlong nakapuga na pawang may kinahaharap na kasong paglabag sa Republic Act 9165 Section 11 (possession of illegal drugs) na sina Jose Johnson Nuevo; Exquiel Crisostomo at Richard Pineda.
Nabatid na sa pagitan ng alas-8:30 ng gabi hanggang alas-9:00 ng gabi noong Disyembre 26, 2019 nang maisakatuparan ng mga preso ang pagtakas mula sa jail facility ng Pritil PCP matapos lagariin ang bakal sa piitan.
Nadiskubre umano ito nang inspeksiyunin ng PCP commander na si P/Captain Monico Alliado alas-12:30 ng hatinggabi ng Disyembre 27.
Agad nagsagawa ng imbestigasyon ang MPD para sa kaukulang aksiyon at inihahanda na rin ang mga kasong kahaharapin para sa matutukoy na nagpabaya sa tungkulin.
Inaalam din ang alegasyon na ang ‘boy’ o ‘striker’ ng nasabing PCP ang nagbigay umano ng lagaring bakal na ginamit sa pagtakas ng mga suspek matapos hindi na umano lumulutang ang nasabing striker.





Comments