Mga sundalo, sanaying maging bayani hindi kolektor ng protection money
Martyrdom ngayon ni Dr. Jose Rizal.
Hindi niya birthday ngayon.
Ngayon ang araw ng kanyang kamatayan!
◘◘◘
HINDI namatay sa dengue si Rizal.
Hindi rin siya nahulog sa bubong dahil sa paggawa ng atip.
Si Rizal ay pinatay ng mga dayuhan dahil sa kanyang sobrang pagmamahal sa bayan!
◘◘◘
HINDI trahedya o lagim ang pagkamatay ni Rizal.
Ang pagyao ni Rizal ay biyaya sa sambayanan!
◘◘◘
NAGTATAKA tayo kung bakit iniiwasan ng gobyerno na magbuwis ng buhay ang mga sundalo sa West Philippine Sea (WPS).
Kung nagkaroon ng sagupaan sa Spratly Islands at namatay ang mga sundalo sa pagbubuwis ng buhay — trahedya ba ang tawag d’yan?
◘◘◘
HAYAAN nating maging martyr ang mga sundalo sa WPS.
Ang dugo ng mga martyr ang magtutulak upang iwan ng China ang ambisyong sakupin ang ating teritoryo!
◘◘◘
SA totoo lang, kailangan ni P-Duterte na magbuo ng Suicide Battalion na magbabantay sa dalampasigan ng Pilipinas.
Dapat matuto ang Philippine Military Academy graduates kung paano magiging martyr, hindi kung paano maging opisyal ng PNP upang makakolekta ng “protection money”!
◘◘◘
NANGANGARAP ang kabataan na maka-graduate ng PMA upang magkaroon ng magandang posisyon — hindi upang magbuwis ng buhay kundi para magkaroon ng pagkakataon maging bahagi ng talamak na korupsiyon sa pamahalaan.
Dapat ipagbawal sa mga PMA graduates na magtrabaho sa PNP sapagkat hindi ‘yan ang kanilang responsibilidad.
Ang alinmang military school ay para lamang sa kabataang nakahandang ibuwis ang buhay para ipagtanggol ang Inang Bayan!
◘◘◘
WALANG magawa ang mga opisyal ng PMA kundi ang bugbugin ang mga trainees na naghahangad na makopo ang mataas na posisyon sa PNP.
Isang malaking pag-aaksaya ng salapi at panahon ang PMA!
◘◘◘
KAILANGANG ipokus ang oryentasyon at kurikula ng PMA sa pagbubuwis ng buhay alang-alang sa soberanya ng bansa.
Hindi kailangan ang utos ng Malacañang para ibuwis ang buhay laban sa mga dayuhan.
Ang pagbubuwis ng buhay ay kakambal ng pagiging sundalo!
◘◘◘
KAPAG nalaman ng sinumang dayuhan na nakahandang magbuwis ng buhay ang mga PMAers, matatakot ang mga loko-lokong nanghihimasok sa ating teritoryo.
Hindi karangalan na maging graduate ng PMA sapagkat ilan sa mga korup sa PNP ay nagmula rin sa kanilang hanay!
◘◘◘
HINDI dapat mahawa ang PMA sa kabulukan ng PNP.
Ipagbawal sa PMAers na pumasok sa PNP sapagkat magkaiba ang trabaho ng pulis at sundalo!
◘◘◘
HANGGANG ngayon, lihis at mangmang ang mga mambabatas at nauupo sa Malacañang.
Hindi nila alam ang pagkakaiba ng PNP at AFP.
Magkalayung-magkalayo ang kanilang trabaho, oryentasyon, pagsasanay at pilosopiya!





Comments