Chinese, tinaob ang mga Pinoy, pinakapasaway sa Pilipinas
- Ryan B. Sison
- Dec 30, 2019
- 2 min read

Ngayong taon, sunud-sunod ang nabalitang pagpapasaway ng mga dayuhan sa ating bansa.
Ilan sa mga tumatak sa atin ang pagkakalat ng ilang turista sa Boracay, paglabag sa mga ordinansang ipinatutupad sa partikular na lugar at pagkakasangkot sa mga ilegal na gawain.
Kaugnay nito, lumabas sa record ng Bureau of Immigration (BI) na nangunguna ang mga Chinese national sa mga dayuhang lumalabag sa mga batas ng Pilipinas.
Ayon sa BI, nakaaresto sila ng 2,257 nagkasalang mga dayuhan sa iba’t ibang operasyon mula Enero hanggang Disyembre 2019.
Umabot sa 1,836 ang nadakip ng mga kawani ng Intelligence Division habang 421 naman ang inaresto ng Fugitive search.
Sa mahigit 2,000 naaresto, napag-alaman na 1,577 ang Chinese, 66 ang mula sa Taiwan, 45 mula sa Myanmar, 25 mula sa India at 19 na taga-Vietnam.
Dagdag pa ng BI, mayorya ng mga naaresto ay Chinese nationals na iligal na nananatili sa bansa, sangkot sa cyber fraud activities at iligal na operasyon ng online gaming.
Kabilang din sa mga naaresto ang 500 illegal Chinese workers sa Pasay noong Oktubre at mahigit 300 na nadakip sa iba’t ibang establisimyento sa Puerto Princesa, Palawan noong Setyembre.
Sa dami ng naarestong dayuhan, sana naman ay sapat na itong dahilan para higpitan ang proseso sa pagpapapasok ng mga dayuhan sa bansa.
Kung kailangang mag-random check para masigurong legal ang trabahong pinapasok ng mga ito, gawin na para matigil ang anumang ilegal na ginagawa nila sa ating bansa.
Hindi na nga makontrol ng gobyerno ang mga pasaway na Pinoy, daragdag pa ang mga dayuhan. Ano na lang ang mangyayari sa Pilipinas?
Wala namang problema kung may mga dayuhan sa bansa, pero sana, respetuhin din nila ang mga batas na ipinatutupad sa ating bansa.
Ang pagdami ng mga pasaway na dayuhan ay maaaring maging banta sa seguridad ng bansa kaya hindi ito dapat ipagsawalambahala.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments