Tiniyak ng PAGASA.. Bagong taon, walang bagyo

Walang inaasahang bagyo o anumang namumuong sama ng panahon na makaaapekto at papasok sa teritoryo ng bansa ngayong pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay Aldczar Aurelio, weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services Administration (PAGASA), maaari lamang na makaranas ng maulan na himpapawid na paminsan-minsang pag-ulan dahil sa tail-end of a cold front at hanging Amihan ang ilang bahagi ng Luzon.
“Dahil sa tail-end ng cold front at easterlies, makararanas ng maulap na kalangitan na may mga pag-ulan at isolated thunderstorms sa Cagayan Valley, Cordillera at sa mga lalawigan ng Aurora at Quezon,” paliwanag ni Aurelio.
“Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa kasama ang Metro Manila ay magiging maganda at maaliwalas ang panahon, maliban po sa mga pulo-pulong pag-ulan dahil sa localized thunderstorms,” dagdag nito.
Dahil aniya sa easterlies, asahan na mararanasan ang mainit na panahon hanggang bisperas ng Bagong Taon.
Samantala, nakalabas na kahapon ng alas-9:50 ng umaga sa Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Phanfone na dating tinawag na ‘Ursula’.
Huling namataan ng PAGASA ang bagyo sa labas ng PAR sa layong 725 kilometro ng Kanluran ng Central Luzon na kumikilos sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hangin na hanggang 55 kilometro bawat oras at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras.
Una nang nag-iwan ng 28 patay at dalawang sugatang residente ang Bagyong Ursula sa mga lugar sa bansa na dinaanan nito.





Comments