Mga pasaway ngayong Bagong Taon, sampulan na bago pa mabiktima ng paputok

Habang papalapit ang Bagong Taon, parami nang parami ang mga namimili ng mga paputok at pailaw sa Bocaue, Bulacan.
Kasabay sa pagdami ng mamimili, dumarami rin ang mga pasaway. Tulad na lang ng nakitang ambulansiya na kinakargahan ng mga paputok na binili ng isang grupo ng kalalakihan.
At nang sitahin, idinahilan ng drayber na para sa kasal ang mga paputok saka dali-daling umalis.
Naispatan naman ng mga nakabantay na pulis ang lalaki na naninigarilyo malapit sa tindahan at nang sitahin, napag-alaman na kabilang pala ito sa mga nagtitinda ng paputok.
‘Yan tayo, eh, alam na nga nating mahigpit na ipinagbabawal dahil maaaring maging mitsa ng disgrasya, gagawin pa rin.
Gayunman, nakahanda na rin ang mga fire extinguisher, drum ng tubig at buhangin sa mga tindahan.
Nakipagpulong na sa Philippine National Police (PNP) ang Philippine Pyrotechnic Manufacturers and Dealers Association, Inc. para isumbong na may mga nagbebenta pa rin ng paputok na piccolo sa Divisoria.
Mahigpit na ipinagbabawal ang piccolo na madalas nakadidisgrasya ng mga bata habang nangako naman ang pulisya na aaksiyunan ang reklamo.
Kahit ano talagang gawing pagbabawal at pagpapaalala ng mga awtoridad, ‘pag matigas ang ulo ng mga tao, wa’ ‘wenta ito.
Ang dapat sa mga pasaway na mamimili at nagtitinda ay masampulan para hindi tularan ng iba. Ang problema kasi sa atin, hangga’t walang naparurusahan, hindi titigil dahil para sa kanila, nananakot lang ang pulisya.
May ilang araw pa bago pumasok ang 2020, pero may ilan nang nabiktima ng paputok kaya sana, hindi na ito madagdagan pa sa mga susunod na araw.
Ngayong Bagong Taon, maging responsable tayo. ‘Pag gumamit ng mga paputok, ‘wag nang ipagpabukas pa ang paglilinis kung saan nagpaputok upang hindi na mahawakan o mapaglaruan ng mga bata ang mga ito.
Sa pagsasaya ngayong Bagong Taon, ‘wag nating kalimutan ang ating kaligtasan at ‘wag dedmahin ang mga paalala at babala ng mga awtoridad dahil para rin ito sa ating kapakanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments