Karapatan ng preso laban sa pagmamaltrato sa loob ng piitan
- Dr. Persida V. Rueda-Acosta
- Dec 29, 2019
- 2 min read
Ang piitan o bilangguan ay may mga ipinatutupad na patakaran at alituntunin na marapat sundin ng bawat bilanggo upang mapanatili ang kaayusan sa loob nito. Kasama sa mga ito ang pagpapatupad ng disiplina sa bawat bilanggo.
Nakasaad sa Section 19, Article III ng 1987 Philippine Constitution ang mga sumusunod:
“Section 19. (1) Excessive fines shall not be imposed, nor cruel, degrading or inhuman punishment inflicted. Neither shall the death penalty be imposed, unless, for compelling reasons involving heinous crimes, the Congress hereafter provides for it. Any death penalty already imposed shall be reduced to reclusion perpetua.
(2) The employment of physical, psychological, or degrading punishment against any prisoner or detainee or the use of substandard or inadequate penal facilities under subhuman conditions shall be dealt with by law.
Ayon sa “United Nation’s Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners (Adopted by the First United Nations Congress on the Prevention of Crime and the Treatment of Offenders, held at Geneva in 1955, and approved by the Economic and Social Council by its Resolutions 663 C (XXIV) of 31 July 1957 and 2076 (LXII) of 13 May 1977)”, ang paggawad ng disiplina sa bilangguan ay marapat na may katatagan, katigasan at diin. Ang pagpataw ng mga patakaran ay hindi hihigit sa restriksiyon o pagbabawal sa kung ano lang ang kinakailangan para sa ligtas na kustodiya at kaayusan sa loob ng institusyon.
Mula sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang pagpataw ng labis na kaparusahan at ng pananakit sa bilanggo ay hindi dapat bigyan ng laya sa mga piitan o bilangguan. Espisipikong isinasaad ng Saligang-Batas sa ilalim ng probisyon ng Bill of Rights, ang paggamit ng pisikal at mapanghiyang kaparusahan sa bilanggo ay pinarurusahan din ng batas.
Kung mayroong labis na pananakit na nagawa ang prison guard sa bilanggo, marapat na ito ay ipinaaalam sa mga kinauukulan sa loob ng bilangguan upang ito ay mapagtuunan ng pansin ng mga nanunungkulan at may kapangyarihan doon. Kapag napatunayang mayroong hindi tamang pananakit o pagmamaltrato na ginawa ang prison guard, siya ay maaaring sampahan ng kasong administratibo o kriminal.
Sa kabilang banda, ang bawat bilanggo ay may obligasyon din na sumunod sa mga patakarang ipinaiiral sa loob ng piitan para sa kanilang kaligtasan at kaayusan.




Comments