Bakuna, pinakamabisang panlaban sa nakamamatay na tigdas
Dear Doc. Shane, Nilagnat ang baby ko na 11 months old at pagkalipas ng ilang araw ay may lumabas na mga pantal sa kanyang katawan. Ang sabi sa amin sa center, tigdas-hangin daw ito at nakahahawa kaya nag-aalala ako na baka mahawahan ang kanyang pinsan na 7 months pa lang. Ano ba ang dapat naming gawin para hindi ito kumalat? - Divina
Sagot Ang tigdas ay may dalawang uri — ang tigdas o measles na dulot ng Rubeola virus at tigdas hangin o German measles.

Ang tigdas o measles ay mapanganib dahil maaari itong mauwi sa pneumonia o encephalitis, mga uri ng sakit na kapag napabayaan ay nakamamatay.
Ito ay malalaman sa ilang sintomas tulad ng ubo, sipon, lagnat at sinusundan ng paglitaw ng mga rashes o pantal at butlig sa buong katawan.
Ang tigdas na dulot ng Rubeola virus ay madaling makahawa. Ito ay mapanganib dahil kaya nitong makahawa sa pamamagitan ng hangin. Ibig sabihin, ang lugar kung saan nanatili ang taong may tigdas ay maaaring mapagkunan ng tigdas kahit hindi nahawakan, nakausap o nakita ang pasyente.
Samantala, ang tigdas- hangin o German measles naman ay nakakahawa rin pero mas mahina kumpara sa nauna nating tinalakay. Gayunman, higit itong mapanganib kapag ito ay naihawa sa mga buntis dahil kaya nitong maapektuhan ang fetus. Ito ay maaaring makapagdulot ng congenital rubella syndrome kung ang nanay ay mahahawa sa unang linggo ng kanyang pagbubuntis.
Bagama’t, nakahahawa ang tigdas-hangin, tumatagal lamang ito ng tatlong araw bago tuluyang mawala. Ang mga sintomas nito ay lagnat, masakit na lalamunan at mga rashes na nagsisimula sa mukha at unti-unting kumakalat sa buong katawan.
Gayunman, tulad ng ibang uri ng sakit, ang tigdas ay wala pang lunas. Ang maaari lamang gawin upang maiwasan ito ay sa pamamagitan ng pagpapabakuna. Ang mga bakuna laban sa tigdas ay panghabambuhay na proteksiyon ng tao.
Iniaalok ito sa mga ospital bilang bahagi ng awareness program ng mga health centers. Iilan lamang sa mga nabakunahan ang nakaranas ng mga side-effects na hindi dapat ikabahala.
Tandaan Kung napalapit sa taong may tigdas ang taong wala pang bakuna laban dito, maaaring agapan ito sa pamamagitan ng agarang pagpapabakuna sa loob ng hindi lalampas sa 72-oras pagkatapos mapalapit sa may sakit.





Comments