top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

2019 budget na hindi nagamit, i-donate sa mga biktima ng lindol at bagyo

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 29, 2019
2 min read

Habang abala na ang iba sa pamimili ng mga ihahanda para sa Media Noche, may ilan naman tayong kababayan na kuntento nang maitawid ang hapunan hanggang sa mga susunod na araw.

Sila ang mga biktima ng Bagyong Ursula. Iniwang wasak ang mga bahay, ubos ang kabuhayan at ngayon ay umaasa sa anumang tulong na maipagkakaloob sa kanila. Kaugnay nito, bukod sa naunang mga naipamahaging relief goods, nag-alok naman ng panibagong tulong ang gobyerno sa pamamagitan ng food for work.

Kapalit ng food packs na matatanggap, kailangan umanong tumulong sa paglilinis ng mga residente sa mga barangay na sinalanta ng bagyo. Kasabay nito ang pagtiyak na tutulungan din ang mga nasiraan at nawalan ng bahay.

Samantala, sa ulat ng Department of Agriculture (DA), umabot sa P633.72 milyon ang halaga ng napinsala ni ‘Ursula’ sa agrikultura at agri-fisheries sa Mimaropa, Western Visayas at Eastern Visayas. Napakaraming tanim na palay, mais, mga palaisdaan at agri-facilities ang nasayang. Ang pinakamasaklap, karamihan sa mga biktima ay hindi pa lubusang nakakabangon mula sa mga nagdaang kalamidad.

Gayunman, sa halip na panghinaan ng loob, sana ay lalo tayong lumaban. Patatagin nawa tayo ng bawat hampas ng hangin, alon at malalaking daluyong.

At panawagan natin sa ating gobyerno, lubusin din ang pagbibigay ng tulong lalo na kung may pagkakataon namang makapaglaan ng pondo.

Hindi ba’t kamakailan lang nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11464 na nagpapalawig sa bisa ng 2019 National Budget hanggang sa 2020? Baka may bahagi nito ang puwedeng mai-donate sa mga biktima ng kalamidad tulad ng lindol at itong halos sunud-sunod na bagyo — kung puwede lang naman at kung walang malalabag na batas.

Mas mainam nang mapakinabangan ang mga natitirang pera ng bayan na hindi natin malaman kung bakit hindi nagamit, gayung palaging sinasabi ng mga ahensiya ng gobyerno na kapos ang pondo.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page