Mabuting dulot ng fake news
- Ka Ambo
- Dec 28, 2019
- 2 min read
NGAYON ay Niños Inocentes.
Hindi lahat ng impormasyon na matatanggap ninyo ay totoo!
****
ANG pinaka-popular na “fake news” ay ginamit noong isilang ang Dakilang Kristo.
Ang unang awtor ng “fake news” ay ang mga tao na nais proteksiyunan ang Banal na Sanggol laban kay Haring Herodes!
****
ANG “tunay na balita” ay isinilang si Jesus sa Bethlehem. Iniutos ni Haring Herodes sa kanyang mga tauhan na patayin ang sanggol.
Pero, dahil sa “fake news” — hindi nagawa ni Haring Herodes na mapatay si Jesus!
**** KAPAG tinatanong ng mga tauhan ni Herodes ang mga tao, pekeng impormasyon ang kanilang ibinibigay. Dahil sa “fake news”, nailigtas si Jesus.
Sakaling totoong impormasyon ang ibinigay ng ordinaryong tao sa tauhan ni Herodes, walang Kristo na dadakilain ang mga Kristiyano!
****
KAHIT ang impormasyon at pagkakatuklas ni Galileo Galilei na ang mundo ang umiikot sa araw ay idineklara ng dogma ng Vatican City na “fake news”.
Sinumang maniwala rito ay itinatakwil o ine-excommunicate ng Simbahang-Katolika nu’ng mga panahong 'yun!
**** ILANG dekada lang ang nakararaan nang mag-sorry ang Vatican City sa kanilang “maling hatol” kay Galileo. Ang “fake news” ay kongklusyon lamang. Maaaring ang “fake news” ngayon ay matuklasang totoo sa hinaharap.
Ang “totoong balita” ngayon ay maaaring mapatunayang “fake news” sa hinaharap!
****
ANG anumang batas na nagpaparusa sa nagpapakalat ng “fake news” ay kamangmangan.
Ito ay dahil mahirap matukoy ang katotohanan at lalong mahirap mapatunayan na “peke” ang impormasyon!
**** ANG “technical truth” ay maaaring ma-validate sa laboratory. Ang “katotohanang” sinusuri sa mga hukuman at korte ay mababaw ang batayan sapagkat ito ay mula lamang sa “paniniwala ng mayorya” ng mga Mahistrado.
Hindi 100 percent sumasang-ayon ang lahat ng Mahistrado sa “katotohanan” na ihahatol ng Korte Suprema!
****
ANG hatol ng grupo ng mga Mahistrado ay maraming pagkakataong binabago ng mga kasunod na grupo ng mga Mahistrado.
Ang mga batas ay patuloy na binabago nang binabago sa iisang dahilan — walang lantay na katotohanan sa lupa!
****
ANG katotohanang umiiral at niyayakap ng mga tao ay nakapundasyon sa ebidensiya. Kapag walang ebidensiya o walang “corpus delicte” — walang katotohanang mabubuo. ‘Yan ang naranasan ng mga naulila ng media man na napatay sa Maguindanao massacre.
Walang bangkay, ibig sabihin — walang “biktima”, ibig sabihin — hindi mapatutunayan ang katotohanan na nagkasala ang mga kriminal!
****
KAPAG hinigop ng “black hole” ang buong solar system — ang lahat ng “available evidence of life” ay maglalaho. P'wes, walang katotohanan. Lahat ay ilusyon lamang at mauuwi sa bula. Kahit ang “bula” ay hihigupin din ng “black hole”. ‘Yan ay tiniyak ng mga siyentista at magaganap.
Ibig sabihin, tiniyak din nila na “maglalaho ang katotohanan”!





Comments