top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Kuwentong sakripisyo ni Kurash Fighter Liwanen para sa SEAG gold

Gerard Arce
Dec 28, 2019
3 min read

Photo: @estielicious5

Wala mang suportang natanggap o anumang kapalit ay patuloy pa ring lumaban para sa karangalan at paninindigan si 30th Southeast Asian Games sa women’s Kurash under-63kgs gold medalist Estie Gay Liwanen.

Buhat ng mapili bilang kinatawan ng bansa para sa naturang sport, walang pagmamalaki o pag-aalinlangang tinanggap ng proud Natonin, Mountain Province-native ang kanyang tungkulin na paglingkuran ang bansa sa katatapos lang na regional multi-sports event.

“Kaya parang naging pressure para sakin na dapat pagbutihin ko ang laro dahil puro malalaking pondo naririnig natin, pero sa training ko sariling sikap,” paglalahad ni Liwanen sa panayam ng BULGAR sa kanya.

“Sila (national athletes) kumakain sila free sa canteen, may allowance at nakapag-training abroad. Ako nakikiusap pa sa coaches ng universities para lang makipag-training, nagbabayad ako sa gym para makapag-weights at makapag-conditioning exercise,” dagdag nito.

Kahit mismong vitamins at lahat ng pangangailangan niya bilang pambansang atleta ay kanyang pinamuhunan upang matustusan lang ang pagmamahal nito sa kanyang larangan.

“Lahat ng vitamins, drinks and pain relievers, ako na gumagastos from my own personal pocket. Kaya dapat lang na ibibigay ko ang lahat para manalo. ‘Yan ang isang nakapag-pressure sa’kin. Yung mismong, ako na ang nag-pressure sa sarili ko,” pahayag ng Staff Sergeant ng Philippine Army. “Iyan ang pagkakaiba sa lahat ng ibang international competitions ko. Yung pressure ko sa sarili ko at siyempre ‘yung pressure na maraming kababayan ang nanonood,” dagdag nito.

Dati na ring naging miyembro ng National Team si Liwanen para sa women’s team ng Judo kung saan nagwagi ito ng dalawang tansong medalya noong 2005 Manila SEA Games sa under-63kgs division at 2007 Nakhon Ratchasima sa Thailand sa under-57kgs category.

Pambihira ang katangian ng BS Criminology graduate mula sa Philippine College of Criminology, dahil bukod sa pakikipagtagisan nito sa Kurash at Judo ay miyembro rin ito ng National Team ng Jiujitsu.

“Umalis na ako sa team noong 2009 para makapag-aral muli. Pero nu’ng nakapagtapos na ako bumalik ako uli sa paglalaro noong 2017. Parang exercise lang muna dahil sobrang na miss ko ang judo. Tapos nung 2018 naririnig ko na ang kurash kase mga kaibigan ko rin naglaro sa ibang bansa,” wika ng Ifugao fighter.

“In fact a week before ng SEA Games galing ako sa world jujitsu championship sa Abu Dhabi,” dagdag ng Asia-Pacific jiujitsu gold medalist.

Ayon sa multi-athlete ay nais pa rin nitong makapaglaro ng Jiujitsu sa biennial meet kung mabibigyan ng pagkakataon kahit pa man pinagsasabay nito ang sport na Kurash at Judo.

“Posible kung mananalo tayo palagi, at siyempre gusto ko rin iyong makalaro, sino naman ba ang ayaw,” sambit nito, na kasama niya sa kanyang kategorya sa Jiujitsu si SEA Games bronze medalist Apryl Eppinger at Geli Bulaong.

“Kaya nga po tayo laging nagsusumikap na mag-training araw-araw para sa mga ganyang laro kung sakaling mapili tayo,” dagdag ng judo black-belter.

Nagsimula lamang noon bilang parte ng kanilang Physical Education subject ang pagkahilig ni Liwanen sa combat-sports – na malayang-malayo sa itinuturo ng tatay nito na Chess – hanggang sa maging miyembro ito ng varsity team sa dati nitong eskuwelahan na University of Baguio at lumahok sa mga inter-school at national tournament.

Sa ngayon ay nais ipagpatuloy ni Liwanen ang adbokasiya nito sa mga kabataan na maturuan ang mga ito ng mga martial arts na kinahihiligan niya ngayon.

Katunayan ay ipinatawag siya ni Governor Jerry Dalipog ng Ifugao upang tumulong para dalhin ang sports nito sa kanyang pinagmulan. “I was just called by the governor to talk about how to bring sports sa ifugao.

My Advocacy is youth empowerment thru martial arts. Nag-start na ako sa Rizal with some friends. We open judo teams sa San Mateo, Antipolo at Cainta, then Lucena Quezon province,” wika nito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page