Dapat gawin sa umuugong na tunog sa tainga
- Shane M. Ludovice, M.D
- Dec 28, 2019
- 1 min read
Dear Doc. Shane, Ang weird dahil wala naman akong sipon pero may naririnig akong
parang may umuugong sa aking mga tainga. Ano ba ang sanhi nito?
- Jessica
Sagot

Ang tila umuugong na tunog sa mga tainga ay tinatawag na tinnitus sa medikal na termino. Gayunman, para matukoy kung ano ang sanhi ng umuugong na tainga, kinakailangan itong maipakonsulta sa doktor dahil magkakaiba ang mga posibleng dahilan nito.
Ang doktor ay magsasagawa ng mga pagsusuri kasama na ang maingat na pag-eksamin sa iyong mga tainga. Siguraduhin lamang na sasabihin o ipaalam mo sa doktor ang lahat ng mga gamot na iyong iniinom dahil maaaring epekto o side-effect ‘yan ng ilang uri ng gamot.
Kung ang pinagmumulan ng problema ay hindi pa rin matukoy, irerekomenda ka sa otologist o otolaryngologist (espesyalista sa mga tainga) o sa audiologist (espesyalista sa pandinig).
Bilang bahagi ng pagsusuri, ikaw ay maaaring ipasailalim sa hearing test na kung tawagin ay audiogram. Maaari ring magrekomenda ang doktor ng MRI o CT scan para makita kung may problema sa istruktura ng iyong sistemang pandinig.
Tandaan Kung ang iyong umuugong na mga tainga ay sanhi ng partikular na karamdaman, ang unang hakbang ay ang tukuyin at gamutin ang naturang sakit — pero kung ang pag-ugong ay nagpapatuloy pa rin sa kabila ng paggamot sa inaakala mong sanhi o kung ito ay resulta sa pagkakahantad sa napakalakas na tunog, ang mga doktor ay maaaring magmungkahi ng alternatibong mga paraan para mabawasan ang umuugong na tunog.




Comments