top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

6 yrs. kulong at P250-K multa sa mga makikipag-away na motorista sa kalsada

  • Ryan B. Sison
  • Dec 28, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Ilang beses nang naging laman ng balita sa TV, radyo, pahayagan at social media ang mga hindi pagkakaunawaan sa kalsada na nauuwi sa palitan ng masasakit na salita at pisikalan ng mga motorista na kadalasang nagsisimula sa mga gitgitan sa lansangan.

Ganitong mga insidente ng road rage ang nais patawan ng parusa ng isinusulong na panukalang-batas na Anti-Road Rage Act.

Sa ilalim ng panukala, ituturing na road rage ang lahat ng agresibo at bayolenteng gawain sa kalsada kabilang ang paninigaw, pagmumura, pakikipag-away, pag-atake sa kapwa motorista, reckless driving at anumang uri ng pagbabanta at paninindak.

Mula anim na buwan hanggang anim na taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa P250,000 ang magiging parusa.

Bukod pa rito, babawiin ang lisensiya nang limang taon kapag napatunayang guilty sa road rage ang motorista.

Aprub sa Philippine National Police (PNP) ang panukala habang hirit naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), malaking tulong ang panukala sa kanila dahil paiksi na nang paiksi ang maximum tolerance ng mga motorista.

Minsan, ang road rage ay nauuwi sa krimen tulad na lamang ng kontrobersiyal na kaso ng pamamaril at pagpatay ni Jason Ivler kay Renato Ebarle noong 2009 at gayundin ang pamamaril ng isang negosyante sa estudyante noong 1991 dahil sa road rage.

Nakakalungkot lang dahil ganito na kalala ang problema nating mga Pinoy pagdating sa pagkokontrol ng galit sa kalsada.

Sabagay, ‘yung iba ay hindi na talaga nakakapagpigil dahil sa mga makukulit na kapwa motorista at pasaway na pedestrian na hindi sumusunod sa batas-trapiko kaya sa halip na itama ang mali, idinadaan na lang sa init ng ulo.

Hindi pa man nakalulusot ang panukala, magsilbi sana itong babala sa ating lahat na kapag may hindi pagkakaunawaan, ‘wag magpadala sa init ng ulo at makipag-away sa gitna ng kalsada dahil malaking abala lang ito sa iba pang bumibiyahe.

Bagama’t, gasgas na ang paalala na magbaon ng maraming pasensiya ‘pag nagmamaneho, ‘wag natin itong isnabin dahil ito at ito pa rin ang dapat nating itanim sa ating isipan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page