top of page

Ubus-ubos biyaya, sa Bagong Taon nakatunganga!

  • Bong Revilla
  • Dec 27, 2019
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Noon, kapag Holiday Season, usung-uso ang mga ‘trigger happy’. Ito ‘yung walang habas kung magpaputok ng baril kesehodang sinuman ang tamaan. Pero ngayon, iba na ang ibig sabihin ng ‘trigger happy’, ito ‘yung walang humpay kung gumastos.

Marami sa atin ang nakatanggap na ng kani-kanyang bonus at 13th month pay bukod pa sa suweldo na halos sabay-sabay nilang natanggap at ang iba naman ay tumanggap ng mga pamasko mula sa mga ninong at ninang.

Ang resulta, walang humpay na gastos dito at gastos doon kaya pagsapit ng Bagong Taon, simot at halos wala nang kapera-pera dahil hindi nagkontrol sa pamimili bago sumapit ang Pasko.

Marami ang ganyan, ‘yung ubus-ubos-biyaya at lahat ay gustong bilhin dahil maraming bisita sa Pasko, maraming inaanak at kabi-kabila ang happenings kaya walang pakialam kung magwaldas.

Lalo na ‘yung mga manginginom o mahilig maglasing dahil tiyak na fully-booked ang mga ‘yan kung inuman ang pag-uusapan at lahat ay binibigyan nila ng rason para makapagsagawa lamang ng inuman.

At siyempre, ang kani-kanilang misis kahit nakasimangot na ay wala namang magawa dahil tanggap nila ang pagiging lasenggo ng kanilang mister at siyempre, karagdagang gastos pa rin ito.

Dapat sa panahon ngayon ay naplano na nating lahat ang ating gastusin at huwag tayong padadala sa ating emosyon kung tayo ay nasa gitna ng pamimili. Huwag ding habol nang habol sa mga diskuwentong pang-akit ng mga shopping mall.

Siguruhin din nating busog tayo bago makipagsiksikan sa pamilihan para nasa tama tayong disposisyon at hindi mataga ng mga mapagsamantalang nagtitinda na sanay sa pambobola ng mamimili.

Makabubuti rin na magdala ng listahan ng mga dapat bilhin para matiyak na tanging ang mga kailangang bagay lamang ang dapat mabili dahil kung walang listahan, paniguradong maraming nadarampot na hindi naman kailangan.

Sa ganitong paraan, sinasabi ng mga eksperto na halos 40 hanggang 50 porsiyento ang natitipid kumpara sa mga taong dampot lamang nang dampot sa pamilihan na karaniwang estilo ng ilan nating kababayan.

Hangga’t maaari, sana ay iwasan ang last minute shopping dahil napapalaki ang gastos ng ating mga kababayan na naghahabol sa oras dahil hindi na ito nakadidiskarte para tumawad dahil sa kamamadali.

Kapag hindi tayo nagplano sa pananalapi, karaniwang resulta ay sumasalubong tayo sa Bagong Taon na walang pera na hindi magandang umpisa ng taon na agad tayong naghihigpit ng sinturon.

May mga kababayan naman tayong nag-uubos ng pera sa pagbili ng paputok at wala silang pakialam basta makapagpasikat lamang sa oras ng putukan dahil sa katwirang minsan lang naman.

At paghupa ng usok, kasabay din ng paglaho ng napakalaking halaga na kung sa mga importanteng bagay sana ginastos ay napakinabangan pa ng buong pamilya.

Hangga’t may natitira pa sa mga pera ninyo, muli kaming nagpapaalala na huwag gastos nang gastos para hindi tayo magsisi sa pagpasok ng Bagong Taon na walang panggastos.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page