Pasyalan, ‘wag gawing malaking basurahan tuwing Pasko at Bagong Taon

Naging tradisyon na ng ilang pamilyang Pinoy ang magdiwang ng Noche Buena at salubungin ang Pasko kasama ang pamilya sa mga pasyalan tulad ng Luneta sa Maynila at Quezon Memorial Circle sa Quezon City.
Kaya tulad ng inaasahan, sandamakmak na pamilya ang nagtungo sa mga nabanggit na pasyalan bitbit ang kanilang mga handa para pagsalu-saluhan.
Kaya para hindi na mag-uwi ng hugasin o maruruming kagamitan ay styro, plastic spoon and forks ang kanilang nagiging takbuhan.
‘Yun nga lang, pagkatapos ng salu-salo at kasiyahan, tila nakakalimutan ng ilan ang panawagan na iuwi rin kung ano ang dinala.
Sa kabila ng mga paulit-ulit na paalala, batay sa mga ulat, nagkalat ang mga styro, plastic bottle at utensil na senyales na hindi pa rin uso ang reusable na kagamitan sa pagkain. May mga basurahan naman sa paligid at may nakalagay pang ‘nabubulok’ at ‘hindi nabubulok’, pero walang nagse-segregate.
Gayundin, hindi na natapos ang mga park cleaner sa kalilinis ng mga basurang kinatamaran dalhin ng mga pumunta sa pasyalan.
Ayon sa MMDA, noong nakaraang taon, lagpas 10,000 ang nagbisperas ng Pasko sa Luneta at ngayong taon, lagpas 100 vendors naman ang pinayagang magbenta ngayong Kapaskuhan, pero nilinaw ng pinuno ng mga vendor na kaisa sila sa kalinisan.
Sa Quezon Memorial Circle naman, bagama’t, naisilid na sa mga garbage bag ang mga basura, may ilan pa ring tila tinamad nang magbitbit ng kanilang kalat kaya iniwan na lang ang mga ito sa daanan.
Paliwanag ng grupong EcoWaste Coalition, hindi kailangang palalain ng selebrasyon ang problema sa basura.
Kung magkukusa sa pagse-segregate, pagre-reuse, pagre-recycle at composting, magiging bahagi tayo ng solusyon at hindi ng problema.
Halimbawa, ang hindi na pagbalot sa mga regalo, pagtatabi ng mga balot ng regalo na natanggap upang makabawas sa mga packaging material na itinatapon lang, bukod pa sa iginigiit nilang bawasan na ang paggamit ng single-use plastics.
Wala namang masamang magsaya kasama ang pamilya, pero sana, ‘wag nating isantabi ang mga problema. Kung kaya naman nating mag-recycle, gawin na natin ito hangga’t may panahon pa.
Kung gusto n’yong mamasyal kasama ang inyong pamilya, ‘wag kalimutang bitbitin ang disiplina.
Gayundin, ‘wag tayong maging sakit ng ulo ng pamahalaan na makikita nating nagsisikap na maresolba ang problema sa basura.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments