top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png

Pagulayan at Amit, una sa World Pool rankings

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Dec 27, 2019
  • 2 min read

Magsisimula na ang bagong taon na laman pa rin ng piling listahan ng mga pinakamalulupit na cue artists ng buong mundo ang mga Pinoy na sina Alex “The Lion” Pagulayan at Rubilen “Bingkay” Amit.

Sa World Pool Billiards Association (WPA) rankings, nakasampa sa pangsampung puwesto si Pagulayan, naluklok kamakailan sa Billiards Congress of America Hall of Fame, dahil sa naipon nitong 15,155 puntos.

Malaking tulong sa kanya ang pagpasok sa quarterfinals ng katatapos na 2019 World 9-Ball Men’s Championships na ginanap sa Doha, Qatar.

Ang Taiwanese na si Ping Ching Ko ang may hawak ng trangko sa WPA (23,801 puntos).

Si Pagulayan, 41-anyos na manunumbok mula sa Isabela ay nasa pang-anim na puwesto rin sa AZ Billiards 2019 Moneyboard dahil sa napagwagian niyang $87,550.

Swak sa unang sampung manlalaro ng Fargo Ratings sina Anton Raga at Dennis Orcullo.

Ang pambato ng Cebu na si Raga ay no. 6 sa listahan dahil sa rekord niyang 819 puntos habang ang dating world 8-ball king na si Orcullo ay pang-siyam dahil sa kartada nitong 814 puntos.

Si Shane Van Boening ng USA ang nangunguna sa talaan (824 puntos).

Hindi pinakawalan ni Amit ang kanyang upuan sa elite roster ng mga lady cue artists.

Sa WPA na listahan, tumibay ang hawak ng Cebuana sa pangatlong puwesto sa tulong na rin ng pagpasok niya sa semfinals ng 2019 World 9-Ball Women’s Championships sa Sanya, China.

Ang Intsik na si Chen Simming pa rin ang numero unong lady cue artist samantalang ang mga tumalo kay Amit sa torneo sa China na sina Kelly Fischer (Great Britain) at Jasmin Ouschan (Austria) ay nakaupo sa pang-apat at panglimang puwesto ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa Women’s Fargo Rating, nakaluklok sa panglimang posisyon si Amit, double gold medalist sa katatapos na Southeast Asian Games, dahil sa naipon nitong 763 puntos.

Si Chezka Centeno, isa pa ring Pinay na nakahablot ng dalawang gintong medalya sa nakaraang SEAG, ang nakaupo sa pangsiyam na baytang (756 puntos).

Ang Intsik na si Siming rin ang nangunguna sa rankings (795 puntos).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page