P50,000 multa at pagsuspinde ng lisensiya ng drayber na magmamaneho ng shuttle service na walang spe
- Dr. Persida V. Rueda-Acosta
- Dec 27, 2019
- 3 min read
Dear Chief Acosta, Halos limang buwan pa lamang ako bilang driver ng shuttle sa pribadong kumpanya. Nalaman ko na ang mga shuttle ng kumpanya ay hindi pa nalalagyan ng speed limiter kasi bagong bili pa lang. Gayunman, inutusan ako ng boss ko na gamitin ang mga ito at dahil bago pa lamang ako ay hindi ako makatanggi. Nais kong malaman kung mayroon ba akong pananagutan sa batas kahit pa sumusunod lamang ako sa utos ng aking boss hinggil sa paggamit ng sasakyang wala pang speed limiter? — Erickson
Dear Erickson, Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong sitwasyon ay ang Sections 3 (b) and (e), 4 at 9 ng Republic Act (R.A.) No. 10916 o mas kilala sa tawag na Road Speed Limiter Act of 2016 kung saan nakasaad na:
“Sec. 3. Definition of Terms. – As used in this Act:
xxx
(b) Covered vehicle refers to any closed van, hauler or cargo trailer, PUV, shuttle service, or tanker truck as defined under this section and such other vehicles as may herein after be determined and included by the Department of Transportation and Communications (DOTC) for the purpose of applying the provisions of this Act; xxx”
(e) Shuttle service refers to any motor vehicle provided by the government or private company or establishment to transport its employees to and from the work premises or clients between designated origin and destination and carrying not less than four (4) passengers;”
“Sec. 4. Mandatory Installation of Speed Limiter. – No covered vehicle, following the effectivity of this Act shall be allowed to run in any road, street or highway in the Philippines without a standard speed limiter in accordance with the standards and specifications approved by the DOTC; xxx”
“Sec. 9. Fines/Penalties. –
a) The driver who operates a motor vehicle covered by this Act or the owner or operator who allows such driver to operate without the speed limiter herein required shall suffer a fine in the amount of fifty thousand pesos (P50,000). xxx
In addition to the above fines, a suspension of the driver’s license for a period of one (1) month or franchise of a motor vehicle for a period of three (3) months, as the case may be shall be imposed upon the offender who commits the abovementioned violations for the first time.” (Binigyang-diin)
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, isa ang shuttle service sa mga nabanggit na sasakyang dapat lagyan ng speed limiter. Dahil dito, hindi maaaring tumakbo ang nasabing sasakyan sa mga kalsada, kalye at lansangan nang walang nakakabit na speed limiter.
Ang driver na mahuhuling nagmamaneho ng nabanggit na sasakyan nang walang nakakabit na speed limiter ay maaaring pagmultahin ng P50,000 at masuspinde ang lisensiya sa loob ng isang buwan.
Samakatwid, ang inyong pagmamaneho ng shuttle kahit alam ninyong wala pang nakakabit na speed limiter ay paglabag sa nabanggit na batas. Dagdag pa rito, walang nakasaad sa nasabing batas na maaaring maligtas sa pagtugis ang mga taong napag-utusan lamang na gamitin ang mga sasakyang nabanggit sa itaas na wala pang kaukulang speed limiter.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments