top of page

Alamin: Good effect ng pagkain ng bawang, oatmeal, saging, tofu, etc.

  • Shane M. Ludovice, M.D
  • Dec 27, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Last month, nalaman naming mayroong enlargement sa puso ang nanay ko. Siya ay 65 years old at biyuda na. Paborito niyang kumain ng karne ng baboy kaya worried kami dahil hindi ito makabubuti sa kanyang kalusugan. Maaari ba kayong magbigay ng rekomendasyon tungkol sa mga pagkaing ‘good for the heart’? – Jenny Anne

Sagot Narito ang listahan ng mga pagkaing mabuti para sa ating puso at ugat. Mahalagang damihan ang pagkain ng mga ito para maging healthy:

  • Isda tulad ng tuna, tamban, tilapia, sardinas at salmon. Sagana ito sa Omega-3 fatty acid na nagpapaluwag ng ugat sa puso at utak.

  • Oatmeal. Ito ay nagtataglay ng Omega-3 fatty acids, magnesium, potassium, Vitamin B, calcium at fiber. Kapag madalas tayong kumain ng oatmeal lalo na tuwing umaga, siguradong malaki ang ibababa ng ating cholesterol.

  • Saging. Mayaman sa potassium, Vitamin C, tryptophan at carbohydrates ang saging. Mahalaga ito sa pasyenteng mayroong alta-presyon at umiinom ng maintenance na gamot sa puso, pero ang saging talaga ay para sa lahat.

  • Kamatis, karot, kamote at kalabasa. Ang 4Ks na ito ay mataas sa beta-carotene, lycopene, Vitamin C at potassium. Maganda ang maidudulot ng mga ito sa puso at mga mata.

  • Monggo beans. Mataas ito sa protina, Vitamin B, magnesium, Omega-3 fatty acid, calcium at fiber.

  • Mani tulad ng almonds at walnuts. Ang mani ay mayroong good fats, Vitamin E, magnesium at fiber. Malaki ang naitutulong nito sa ating puso, ugat at balat. Tandaan, kumain ng isang dakot lang at hindi isang bowl. Gayundin, piliin natin ‘yung mababa lamang ang asin (low-salt).

  • Tofu, tokwa at soy milk. Mayaman ang mga ito sa protein, niacin, folate, calcium at potassium. Ang protina ng tokwa ay mas healthy at hindi nakatataba kumpara sa protina ng karneng baboy at baka.

  • Spinach at broccoli. May sangkap ito na lutein, Vitamin B, magnesium, potassium, calcium at fiber. Mabuti ito sa tiyan, katawan at puso.

  • Garlic. Ang bawang ay nagtataglay ng allyl sulfides na tumutulong magpababa ng kolesterol at blood pressure. Lutuin ng bahagya ang dalawa o tatlong pirasong bawang ngunit, huwag itong sunugin dahil mawawalan ito ng magandang epekto. Mag-ingat lang sa pananakit ng sikmura sa sobrang pagkain ng hilaw na bawang.

  • Dark chocolate. Mayroong espesyal na sangkap na resveratrol at flavonoids ang maitim na tsokolate. Gayundin, ang resveratrol ay puwedeng makapagpabata sa atin. Mas healthy ang dark chocolate kumpara sa milk chocolate o anumang uri ng tsokolate na puro gatas at mababa sa cocoa. Makabubuti kung tayo ay madalas kakain ng tsokolate ngunit, dapat isa hanggang dalawang piraso o bar lang para hindi tumaba.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page