Testigo sa Maguindanao massacre.. Vice-Mayor Ampatuan, in-ambush
- BRT
- Dec 26, 2019
- 1 min read

Photo: gmanetwork
Sugatan ang bise-alkalde ng bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao at dalawa nitong kasama matapos tambangan, bisperas ng Pasko.
Nagmamaneho si Vice-Mayor Akmad Mitra Ampatuan nang mangyari ang insidente.
Napag-alaman na ito na ang pangalawang beses na may nagtangka sa kanyang buhay.
Ayon kay Shariff Aguak Mayor Marop Ampatuan, stable na ang kondisyon ng kanyang amang bise-alkalde.
Sapol din ang kasama nitong si Bgy. Tapikan Kagawad Elham Pasawilan Khalid alyas Axel habang patuloy ding ginagamot ang isa pa nilang kasama na si Akmad Lumenda Ampatuan.
Ayon sa pulisya, galing ang mga opisyal sa munisipyo ng bayan at pauwi na sakay ng SUV ni Vice-Mayor Ampatuan nang pagbabarilin ang kanilang sasakyan.
Ilang metro lamang ang layo ng pinangyarihan ng insidente mula sa isang military checkpoint.
Si Vice-Mayor Ampatuan ay dating malapit kay yumaong Maguindanao Governor Datu Andal Ampatuan, Sr., na nasangkot sa 2009 Maguindanao massacre.
Umanib siya kalaunan kay Maguindanao 2nd District Rep. Esmael ‘Toto’ Mangudadatu, ang target ng pinakamarahas na election-related violence sa bansa.
Ayon kay Mangudadatu, isa rin ang bise-alkalde sa mga principal witness sa Maguindanao massacre case.
Matatandaang, noong nakaraang linggo, hinatulan ang ilan sa mga anak ni Andal, Sr. ng pagkakakulong ng 40 taon dahil sa karumal-dumal na pagpaslang sa 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, na noo’y magpa-file ng certificate of candidacy ni Mangudadatu.
Namatay si Andal Sr. noong Hulyo 2015 habang nililitis ang kaso.





Comments