PHL Air Force Dragon Boat naka-4 na medalya sa Penang

Sumagwan ng apat na medalya ang Philippine Air Force Dragon Boat team kabilang ang tatlong gintong medalya sa nakalipas na Penang International Dragon boat Festival noong Disyembre 7-8 sa Teluk Bahang Dam sa Penang, Malaysia.
Nanguna ang PAF DB Team sa International Premier women’s 12 racers category (450 meters), Premier women’s category (200ms) at Premier Mixed category (200ms), habang silver medal ang mga ito sa Premier Open (200meters).
Rumehistro ang Air Force ng oras na 2:14.91 para daigin ang Singapore Institute of Management na kumuha ng silver sa 2:18.70, kasunod ang Dragon Fire na may 2:23.19 para sa bronze medal. Ika-apat ang Penang Forward Sports Club (2:28.66), Armada (2:28.77) at Royal Malaysia Police (2:30.96).
Kinuha nito ang isa pang gold medal nito sa oras na 1:04.22 na sinundan ng Singapore Institute of Management sa 1:04.49 at DragonFire sa 1:06.68, para sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod. Kinuha ng Air Force paddlers ang ginto sa mixed category sa oras na 51.78. Silver medal ang nakuha ng Penang Island Paddlez Club-A sa oras na 54.10, habang bronze medal ang Austcham Paddle sa 54.26 segundo.
Hindi nila nakuha ang 4-gold sweep ng makuntento lamang sa silver ng Open category sa oras na 55.99 segundo matapos maungusan ng Pacific West Dragon Boat Club-A sa 53.58 segundo, habang naiuwi ng Pacific West Dragon-B ang bronze medal sa 56.81 secs. Ang event ay nilahukan ng 14 na bansa na mayroong 62 koponan na naglaban-laban at mahigit sa 1,600 na mananagwan.





Comments