Oras para magpahinga at maghanda… Mga dapat gawin pagkatapos ng mahalagang okasyon


Siguradong marami sa atin ang back-to-reality pagkatapos ng Pasko. ‘Yung tipong balik-trabaho, kani-kanyang business o pinagkakaabalahan na naman tayo. Marami sa atin ang muling sasabak sa matinding traffic, nakaka-stress na mga gawain at iba pa. Pero para sa iba na walang gagawin o hanggang ngayon ay free time pa rin nila, narito ang ilan sa mga bagay na puwede n’yong gawin:
1. MAGNILAY. Kung sa tingin mo ay nakababa na ang amats mo at wala kang magawa, pagnilayan mo na lang ang nangyari sa buong taon. Sa kabila ng ups and downs ng buhay mo, nasulit o na-enjoy mo ba ang taong ito? Anu-ano ang mga bagay na sa tingin mo ay makatutulong sa iyo para mas maging ‘better person’ ka sa susunod na taon?
2. MAGPAHINGA. Hindi lamang isang buwan kundi tatlo o higit pa ang ginugol ng ilan para paghandaan ang okasyong ito. ‘Yung tipong pagpasok pa lang ng ‘ber’ months, super stressed at busy na sila sa pag-decorate ng bahay o opisina, pag-iisip ng mga ihahandang putahe, pakulo sa Christmas party at kung saan kukunin ang panggastos sa okasyong ito. Well, dahil tapos na ang Pasko, it’s time para mag-chill na muna.
3. MAGSAYA. Huwag ma-stress kung halos masaid ang laman ng wallet mo o malaki ang nagastos mo para sa okasyong ito. Tandaan, may next year pa para bumawi at pagtrabahuhan ito. Kung hindi mo naman bet ang natanggap mong regalo sa exchange gift, oks lang ‘yan, huwag masyadong dibdibin dahil Pasko naman! Nasa trabaho o bahay ka man ngayon, huwag mong limitahan ang pagkakataon para maging masaya. Hindi porke tapos na ang Pasko, mag-e-emote na tayo.
4. MAGLIGPIT O MAG-AYOS. Kung gagawin lang naman ang hanap mo, ito ang pagkakataong harapin ang tambak na hugasin at ligpitin. Siguradong pagkatapos ng Pasko, maraming kailangang gawin at ayusin. Bawasan mo ang mga ito para hindi masayang ang iyong oras sa pagtunganga.
5. MAGHANDA. Tulad ng dati, pagkatapos ng Pasko ay Bagong Taon naman ang paghahandaan o ise-celebrate natin! Habang may time, simulan mo nang maglista o planuhin nang maaga ang mga balak gawin sa susunod na okasyon para hindi mangarag.
Natapos man ang Pasko, huwag sanang matapos ang paggawa natin ng makabuluhang bagay. Kailangan man nito ng skills o simpleng bagay lamang, pagtuunan natin ito ng panahon, lalo na kung makatutulong ito para mas maging kapaki-pakinabang tayo.
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon, mga ka-BULGAR!





Comments