M'cañang sa madlang pipol: 5-minute biyahe ng Cubao-Makati, kalimutan muna, move on!

Dito sa Pilipinas, tila walang pinipiling panahon ang trapik kaya Holiday Season man o hindi, marami nang umaasa na mas mahaba pa ang oras na ilalaan nila sa biyahe kesa sa kani-kanilang tahanan para makapagpahinga pagkatapos ng nakakapagod na araw sa trabaho o paaralan.
Kaya nang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging limang minuto na lang ang biyahe mula Cubao hanggang Makati, naging hati ang opinyon ng taumbayan.
May ilang naniniwala na magagawa ito ng administrasyon at may iba namang dedma na lang dahil baka isa na naman ito sa mga biro ng pangulo.
Nang pumasok ang ber months at lumala ang holiday rush, maraming nagtatanong kung ano’ng nangyari sa pramis ni P-Duterte.
Kaugnay nito, iginiit ng Palasyo na kalimutan muna ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na 5-minutong travel time mula Cubao hanggang Makati, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Paliwanag ni Panelo, hindi natapos ang mga proyekto na magpapaiksi sa travel time mula Cubao hanggang EDSA, gayunman, may panahon pa para matupad ito hanggang bago matapos ang termino ni P-Duterte.
Samantala, maging ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay aminadong hindi makatotohanan ang limang minutong travel time na ipinangako ng pangulo.
Sagot naman ng madlang pipol, hindi na nakapagtataka kung sasabihin ng Palasyo na kalimutan na lang ang pramis ng pangulo dahil kung MMDA mismo ang nagsabi na hindi ito makatotohanan, mas mabuti pang ‘wag na lang tayong umasa.
May ilan naman na isinisisi sa ibang mambabatas ang pagharang sa pagbibigay ng emergency powers sa administrasyon kaya kahit patapos na ang termino nito, wala pa ring nangyayari.
Napakatagal nang isyu ng trapik sa bansa, pero sa halip na masolusyunan ay lumalala pa.
Hindi natin iniismol ang kakayahan ng administrasyon na resolbahin ang problemang ito, pero sana, ‘wag nating kalimutan na hindi lang oras ng mga komyuter at motorista ang nababawasan kundi pati ang kanilang mga kinikita sa trabaho at oras sa pamilya.
Masyado nang maraming nasayang at nawala dahil sa trapik kaya hindi uubra ang paglimot dahil hindi naman ito tulad ng break-up na puwedeng kalimutan at mag-move on na lang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments