top of page
Pokwang.jpg

Dobleng discount ng PWD sa binili o serbisyo, bawal!

Dr. Persida V. Rueda-Acosta
Dec 26, 2019
2 min read

Dear Chief Acosta,

Ako ay Person with Disability (PWD) at meron akong PWD ID. Dahil sa kalagayan ko ay sanay ako na makakuha ng discount sa mga pinupuntahan kong establisimyento. Last week, nagpamasahe ako sa SPA parlor. May iniaalok itong promo kung saan 30% off sa kanilang serbisyo. Ang nakapagtataka, nu’ng nagbayad na ako ay ipinakita ko ang aking PWD ID para sa dagdag pa sana na diskuwento pero sa halip na tanggapin ito ay kinausap ako ng may-ari para sabihing hindi na ako makakukuha ng diskuwento bilang PWD dahil naka-promo na raw ang kanilang serbisyo para sa akin. Dahil dito, gusto kong malaman kung tama ba ang ginawa nilang pagtanggi na bigyan ako ng dagdag na diskuwento kahit may kapansanan ako? — Evelyn

Dear Evelyn,

Bagama’t, nasa batas ang pagbibigay ng tamang diskuwento para sa mga taong may kapansanan ay mabuting malaman mo na ang mga benepisyong ito ay mayroong mga kondisyon na nasusulat din sa batas.

Itinatakda ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (R.A.) No.10754 na kilala bilang An Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability, ang mga kondisyon sa pagkuha ng mga benepisyo para sa mga taong may kapansanan. Tungkol sa iyong hinaing, ito ang itinatakda ng nabanggit na batas:

“Section 12. No Double Discounts – In the purchase of goods and services which are on promotional discount, persons with disability can avail of the establishment’s offered discount or the 20% discount provided herein, whichever is higher and more favorable. In cases where the person with disability is also a senior citizen entitled to a 20% discount under his/her valid senior citizen identification card (ID), the person with disability shall use either his/her PWD ID Card or Senior Citizen ID card to avail of the 20% discount.” Emphasis supplied.(Rule IV, Sec12)

Ang ibig sabihin ng nabanggit na batas ay hindi pinapayagan ang pagkakaroon ng dobleng disku­wento sa mga produkto o serbisyo na mayroon ng diskuwento. Kapag may diskuwento na ang pro­dukto o serbisyo ay makukuha lamang ng may kapansanan ang diskuwento na mas mataas sa dalawa.

Sa iyong sitwasyon, dahil mas mataas ang ibinibigay na diskuwento na 30% ng parlor kaysa sa diskuwentong makukuha bilang PWD na 20% ay tanging ang diskuwento mula sa promo lang ang makukuha mo dahil ito ay mas mataas kaysa sa PWD na diskuwento. Dahil dito, tama ang parlor na tanggihan ang tangka mong pagkuha ng dagdag at doble pa na diskuwento. Hindi mo maaaring ipilit na makakuha ng diskuwento sa ibabaw ng naibigay na mas malaking diskuwento dahil ito ay hayagang labag sa itinatakda ng nabanggit na batas.

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page