top of page

Responsableng paggamit ng social media, ituro sa kabataan para iwas-depresyon

  • Kuya Win Gatchalian
  • Dec 24, 2019
  • 2 min read

Ilang oras na lang, Pasko na!

Kaya naman, binabati natin ang mga tagasubaybay ng ating kolum ng Maligayang Pasko!

Ngayong panahon sana ay magkaroon ang bawat pamilya ng de-kalidad na oras para sa isa’t isa hindi lamang dahil bakasyon kundi dahil makabuluhan ang taunang okasyong ito.

Sa halip na tumutok sa internet buong araw, dapat sulitin ng mga bata ang pagkakataong ito na maka-bonding ang kanilang pamilya, kamag-anak at malalapit na kaibigan upang mapanatili ang magandang relasyon sa isa’t isa.

Hindi lamang ito makatutulong sa buong pamilya kundi sa mismong bata, lalo na kung labis siyang nakababad sa gadget o modernong teknolohiya.

Ayon sa mga eksperto sa larangan ng medisina, ang pagbababad sa social media ay isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit dumarami ang kabataang dumaranas ng anxiety o pagkabalisa at depresyon.

Sinabi ni Dr. Cornelio Banaag, Jr. ng Medical City na ang kakulangan sa tulog ay epekto ng labis na paggamit ng cellphone.

Nakababahala ang ulat na ito lalo na at kilala ang Pilipinas bilang “social media capital of the world.” Kaya naman, mahalagang maituro natin ang wastong paggamit ng internet at social media.

Ayon sa Department of Health (DOH), mahigit tatlong milyon o 3.3 milyong Pinoy ang mayroong depressive disorder.

Sa pag-aaral mula sa student health survey ng World Health Organization (WHO) noong 2015, sa mahigit 8,000 mag-aaral sa high school sa Pilipinas ay halos 17 porsiyento mula edad 13 hanggang 17 ang nagtangkang magpakamatay.

Halimbawa nito ay ang malungkot na sinapit ng mag-aaral sa Grade 10 na taga-Sorsogon City noong Marso ng kasalukuyang taon.

Natagpuan siyang wala nang buhay sa loob ng kanilang bahay at sinasabing siya ay nagpakamatay dahil sa depresyon.

Dahil dito, bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, nananawagan tayo sa Department of Education (DepEd) na ituro ang responsableng paggamit ng social media sa kabataan bilang bahagi ng pag-aalaga sa kalusugan ng isip o mental health.

Gayundin, naniniwala tayong kailangan nang palakasin ang subject na Good Manners and Right Conduct (GMRC) kung saan maaari nang maisama ang pagtalakay sa responsableng paggamit ng internet at social media. Ito ang isa sa mga tinututukan natin sa pamamagitan ng panukalang-batas na Senate Bill No. 1224 o Comprehensive Values Education Act. Lahat ng mga subject na tinatalakay sa klasrum ay mahalaga pero ang pagtuturo ng tamang moral, ispiritwal, intelektwal at sosyal na mga aralin ang dapat ding matutunan, gawin at isabuhay ng mga mag-aaral.

Isa pa na mahalaga ring matutunan ng mga guro at guidance counselor ay ang tamang pagbibigay ng psychological first aid lalo na at kulang ang bilang ng mga rehistradong child psychiatrist sa bansa kung saan wala pang 100 sa kasalukuyan.

Kung tuturuan natin ang mga estudyante kung paano maging responsable sa pagtangkilik ng social media at kung paano alagaan ang kanilang sarili, kailangang tiyakin din natin na ang mga magtuturo ay may sapat na kakayahan para gawin ito.

Tandaan, ang tagumpay sa buhay ay hindi nag-uumpisa sa galing, talino o medalya — nagmumula ito sa tamang bulong ng puso na nagdidikta ng ating mga aksiyon.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page