top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pagdiriwang ng Pasko, gawing simple pero makabuluhan

  • Isko Moreno
  • Dec 24, 2019
  • 2 min read

‘Ber months’ pa lamang ay naririnig na natin ang iba’t ibang awiting pamasko sa sariling tahanan man o sa mga paborito nating istasyon sa radyo.

Masarap pagmasdan ang naggagandahang mga parol sa pagsapit ng gabi lalo na kapag binuksan na ang kumukuti-kutitap nitong Christmas lights.

Sa kabilang banda, ano ba ang Pasko para sa mga mahal natin sa buhay na nasa ibayong-dagat o ibang bansa?

Ang tradisyon ng Pasko sa Pilipinas ay tunay na masaya dahil buo at magkakasama-sama ang pamilya. Sa ganitong panahon nagkikita-kita ang mga malalayong kamag-anak, kaibigan o kaklase. Sa okasyong ito, higit na naipadarama ang pagbibigayan at pagmamahalan sa isa’t isa.

Gayunman, ang Pasko sa ibang bansa, lalo na sa disyerto ng Gitnang Silangan ay parang isang ordinaryong araw lamang.

Hindi ito kasingkulay ng pagdiriwang sa Pilipinas. Madarama mo ang lungkot lalo na at naaalala mo ang mga naiwang mahal sa buhay sa Pilipinas. Iniisip na lamang nila na ang mga paghihirap at pagtitiis na nararanasan ay para sa ikagiginhawa ng buhay ng pamilya at taong sinusuportahan.

Bagama’t, may nadaramang kalungkutan, ito ay isinasantabi na lamang at ang tanging iniisip at nagpapalakas ng loob ay ang pamilya at wala nang iba pa.

Hindi ba, ang Pasko ay simbolo ng pagmamahalan, pagbibigayan at pagpapatawad? Bakit hindi natin ito gawin at tuparin kahit sa mumunting bagay lamang?

Subukan natin ito, siguradong ang katumbas nito ay kislap sa mga mata at ngiti sa labi ng ating kapwa. Mararamdaman mo ang maaliwalas na pakiramdam at walang pagsidlang kaligayahan sa iyong puso.

Sa pagdiriwang ng Pasko, ating isapuso ang tunay na mensahe ng okasyong ito. Kumustahin natin ang mga mahal natin sa buhay, kapamilya, kamag-anak o kaibigan na nasa malayong lugar sa pamamagitan ng pagtawag, pag-text, pag-email at iba pa.

Maraming paraan para sila ay mapaligaya, malay natin, hinihintay nila ang mensaheng manggagaling sa atin.

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon po sa inyong lahat!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ISKOr ni Isko Moreno, BULGAR Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa iskor@bulgar.com.ph

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page