Final answer ni Trump.. Mga nagpakulong kay de Lima, banned sa Tate
- Mylene Alfonso
- Dec 24, 2019
- 1 min read

Pinirmahan na ni US President Donald Trump ang 2020 national budget ng bansa kung saan kasama sa inaprubahan ang probisyon na magpapatupad ng ban sa mga nasa likod ng pagkakabilanggo ni Senador Leila de Lima.
Dahil dito, pagbabawalang pumasok sa US ang mga nagpakulong umano kay Senadora De Lima na bahagi ng 2020 State of Foreign Operations Appropriations Bill.
Batay sa naturang probisyon, nakasaad na dapat magpatupad ng ban at hindi payagang makapasok ng US ang mga nasa likod ng “hindi tamang” pagkakabilanggo nina Mustafa Kassem – isang American citizen at ipinakulong ng gobyerno ng Egypt at Senator Leila de Lima na inaresto sa Pilipinas noong 2017.
Ang bahaging ito ay nasa amendment portion ng batas na isinulong nina US Senators Richard Durbin at Patrick Leahy na ipinasa ng US Senate Appropriations Committee noong Setyembre.
Matatandaang, nitong Disyembre 17, inisa-isa ni De Lima sa kanyang inisyal na listahan ang mga responsable sa pag-aresto at pagkakakulong nito.
Kabilang dito sina Pangulong Rodrigo Duterte; Presidential Spokesman Salvador Panelo; Online personalities Mocha Uson, Sass Rogando Sasot, RJ Nieto (o Thinking Pinoy); dating House Speaker Pantaleon Alvarez, dating DOJ Secretary Vitaliano Aguirre, Solicitor General Jose Calida, Public Attorneys’ Office Chief Persida Acosta, Sandra Cam, Dante Jimenez, Reps. Rey Umali at dating Rep. Rudy Fariñas.





Comments