Alamin: Iba’t ibang modus ngayong Pasko

Mga ka-BULGAR, bukas ay Pasko na kaya pinag-iingat natin ang lahat dahil kasabay ng pagdiriwang natin ng Kapaskuhan, sumasabay din ang mga kawatan sa kani-kanilang raket.Kaya naman, ibabahagi natin ang ilan sa mga modus ng mga demonyong ito:
1. Bestfriend Gang. Sila ‘yung mga hinayupak na biglang lumalapit sa biktima at nagkukunwaring kaibigan nito. Nangungumusta kuno at kapag nakakuwentuhan na at nalibang ang biktima ay hihiramin ang cellphone nito saka tatakas. Ingat!
2. Nangongontrata o nangingidnap na taxi driver. Sila ‘yung may masamang intensiyon na mahilig mangontrata na walang babaan ng metro. Kapag nalingat ang pasahero ay may biglang sasakay na kasabwat nito para kidnapin ang kawawang biktima. Ingat!
3. Dura Gang. Sila ‘yung pasahero kuno sa mga pampasaherong sasakyan (bus o jeep) na nang-i-spot ng biktima. Kapag may nakursunadahan na ay kanilang duduraan sa balikat saka sasabihing may dura ang balikat nito.
Kapag tiningnan ng biktima, siyempre, mawawala ang atensiyon nito sa kanyang mga gamit. Ito ang sasamantalahin ng kasabwat na suspek para kunin ang mga target na gamit ng biktima. Ingat!
4. Solicit Gang. Sila ‘yung mga humihingi ng tulong o solicitation pero ang sadya talaga ay magnakaw. Sa umpisa ay patingin-tingin lamang sa loob ng bahay, pero kapag nakakuha ng tiyempo ay kukulimbatin na ng mga ito ang mahahalagang gamit ng biktima. Makiramdam at mag-ingat!
5. Caroling Gang. Sila ‘yung mga nagkukunwaring nangangaroling pero ang pakay ay magmanman sa bahay. Pagkatapos nilang mapag-aralan ang bahay ay babalik sila sa dis-oras ng gabi para nakawan ito.
Ingat!Mga ka-BULGAR, ilan lamang ito sa mga modus ng masasamang elemento na naglipana para makapamerhuwisyo sa mga kababayan nating nagdiriwang ngayong Kapaskuhan. Ikaw kaibigan, ano’ng sey mo? Palaging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko! Mas ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!
SABI NI JESUS, “‘WAG KANG MATAKOT, TUTULUNGAN KO KAYO.”MALIGAYANG PASKO PO SA INYONG LAHAT!





Comments