2 gold, naiuwi nina Petecio at Bacyadan mula sa ASBC C’ships

Isinukbit nina Hergie Bacyadan at ang nakababatang kapatid ni 2019 AIBA World Championships at 30th Southeast Asian Games gold medalist Nesthy Petecio na si Niceza Petecio ang mga gintong medalya sa women’s under 69kgs at women’s under 54kgs, habang silver medal ang naiuwi ni Marvin Tabamo at bronze medal mula naman kay Samuel De la Cruz sa men’s under 63-kgs category sa ASBC Asian Grand Slam Boxing Championships sa Xiamen, China.
Kinailangan lamang ng 2-minuto ni Bacyadan upang tapusin si Hanan Al-Zeyoudi ng United Arab Emirates upang maging matagumpay sa kanyang laban at magsilbing bagong sibol na boksingero sa women’s division ng Pilipinas.
Ang 25-anyos mula Taloctoc, Tanudan, Kalinga ay isang dating wushu artists na nagwagi ng silver medal sa Sanda women’s under-70kgs division sa 2017 World Wushu Championship.
Si Bacyadan ay nagawang lumipat ng ibang combat sports sa pag-aasam na maipagpatuloy ang pangarap nitong makatuntong sa Olympics.
“Sobrang blessed po sa nakuhang tagumpay. Lahat po ng paghihirap namin napawi po,” pahayag ni Bacyadan sa panayam ng BULGAR sa telepono.
“Gusto ko po kasing matupad yung dream ko na makapaglaro nsa Olympics.
Masaya naman po ako sa Wushu pero iba pa rin po iyong karangalan na bitbit mo kapag nasa Olympics ka na. Malaki po ang pasasalamat ko at nabigyan ako ng chance dito,” dagdag nito.
Nakatakdang sumabak si Bacyadan sa World Qualifying sa Wuhan, China simula Pebrero 3-14 para sa Asian at Oceania qualifying round kasama ang women’s team na binubuo nina light flyweight Josie Gabuco, flyweight Irish Magno, bantamweight Aira Villegas, featherweight Petecio at lightweights Riza Pasuit at Maricel de la Torre.
“Sasali po kami sa Pebrero para sa Qualifying sa Olympics. Basta ibibigay na lang po namin ang best namin, lalo na’t dream ko po talaga na maging kinatawan ang Pilipinas sa Olympics,” wika ni Bacyadan.
Mataas ang kumpiyansa ng national boxers matapos nitong kunin ang pitong gold medals sa SEA Games na ginanap sa bansa sa nitong nagdaang buwan.
Hangad ng pambansang koponan na makakuha ng ilang silya sa 2020 Tokyo Olympics na maagang bumalik sa pag-eensayo ang national team upang maging handa.
Ang mga naturang kababaihan ay makakasama nina light flyweight Carlo Paalam, flyweight Rogen Ladon, bantamweight Ian Clark Bautista, flyweight Marvin Tabamo, bantamweight Mario Fernandez, light welterweight James Palicte, lightweight Charly Suarez, welterweight Marjon Piañar, middleweight Eumir Felix Marcial at light heavyweight John Nobel Marvin sa world qualifying.
Sina Bacyadan, Petecio, Tabamo at Dela Cruz naman ay mga miyembro ng Team B ng national team na hinawakan nina Joegin Ladon at Mitchel Martinez sa naturang kompetisyon.





Comments