Vasectomy, pinakaepektib na paraan para hindi magkaanak
- Shane M. Ludovice, M.D
- Dec 23, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ako ay single mom na nagkaroon ng foreigner na boyfriend at ilang buwan lamang ay nag-live-in na kami. Nakapagtataka dahil hindi kami magkaanak, gayung hindi naman ako gumagamit ng pills. Nitong nakaraang buwan lamang ay ipinagtapat niya sa akin na nagpa-vasectomy na raw siya. Ito ba ang dahilan kaya hindi kami magkaanak? — Rowena
Sagot Ang vasectomy ay birth control method para sa lalaki at halos 100% itong epektibo, ligtas, permanente at madaling gawin.

Ang sperm na gawa ng testes ang siyang nagpe-fertilize ng female egg. Ang seminal fluid o semen na galing sa prostate ay ang liquid carrier ng sperm. Kapag nagtagpo ang sperm at female egg, magaganap ang fertilization at mabubuntis ang babae.
Sa vasectomy, hinaharangan ang paglabas ng sperm sa pamamagitan ng pag-ligate o pagsasara ng tubo na kung tawagin ay vasa deferentia. Ang tubong ito ay nakakonekta sa testes at dahil sa pagsasara nito, hindi makasasama sa semen ang mga sperm. Kapag walang sperm, walang pagbubuntis na mangyayari.
Sa vasectomy, tuloy pa rin ang paglabas ng semen, hindi nagbabago ang pakiramdam sa pagtatalik, hindi naaapektuhan ang erection o anumang hormones sa katawan at walang parte ng reproductive organ na inaalis.
Angkop ang vasectomy kung kayo ay naghahanap ng epektibong birth control method, lalo na kung delikadong mabuntis ang asawa o may ayaw ipamanang sakit tulad ng mental illness.
Hindi mapanganib ang vasectomy, ngunit, tulad ng anumang procedure, minsan ay may kumplikasyon ito tulad ng impeksiyon o pakiramdam na masakit habang humihilom ang sugat. Pero hindi kailangang mag-alala dahil minor lamang ito at nagagamot o gumagaling nang kusa sa paglipas ng maikling panahon.





Comments