Tabuena, umangat sa 54th place ng Thailand Masters
- Eddie M. Paez, Jr.
- Dec 23, 2019
- 1 min read

Photo: @migueltabuena
Umusok ang laro ng Pinoy parbuster na si Miguel Tabuena nang kumartada ng bogey-free, 6-under-par 65 tungo sa pag-akyat sa panglimang puwesto galing sa pang-19 na baytang pagkatapos ng penultimate round ng 2019 Thailand Masters sa palaruan ng Phoenix Gold Golf and Country Club sa Pattaya, Thailand.
Umangkla si Tabuena sa isang eagle sa pangsiyam na butas gayun din sa mga birdies sa pang-7, -10, -11 at -16 na mga butas upang isumite ang kabuuang 201 strokes sa dulo ng pangatlong rounds.
Nauna rito, ang rekord ng Pinoy sa unang dalawang rounds ay 68 (1 eagle, 4 birdie, bogey) at 68 (6 birdies, 1 bogey, 1 double bogey) sa torneong magkakaloob ng USD 500,000 sa mga kalahok na mapapabilang sa winners’ circle.
Bukod sa pagpasok sa podium ng paligsahang tinatrangkuhan nina Thai ace Jazz Janewattananond (195 strokes) at Thomas Detry ng Belgium (196 strokes), pinupuntirya rin ni Tabuena ang pagpasok sa “Habitat For Humanity Standings (Asia Order of Merit)” Top 10 ngayong 2019. Kasalukuyan siyang nakaupo sa pang-13 puwesto dahil sa naipong USD 157,333.29. Si Janewattananond ang runaway 2019 Asian OOM topnotcher samantalang si Detry ay nasa pang 139 sa world rankings.
Dalawang top 10 finish pa lang ngayong taong ito ang nakadikit sa pangalan ng dating jungolfer mula sa Pilipinas. Kung sakali, ito ang magiging pangatlo. Sa Sarawak Championships, naisalba niya ang panglimang puwesto samantalang sa bakbakan sa Mercuries Taiwan Masters, hinablot niya ang pangalawang posisyon. Tatlong Top 20 rin ang naiposte ni Tabuena ngayong 2019. Kabilang dito ang pagiging 14th place sa Thailand Open, ang 17th spot na nakuha sa Yeangder TPC at ang 19th place sa Volvo Open sa China.





Comments