Santa Claus, buhay na buhay sa gitna ng lindol sa Mindanao

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Kamakailan ay personal tayong nagtungo sa North Cotabato at Davao del Sur para tugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan na biktima ng lindol.
Ang plano ko sana matapos maipamahagi ang apat na trucks ng relief goods ay bumalik na sa Maynila dahil napakaraming trabaho pa ang dapat asikasuhin.
Ngunit, sa hindi maipaliwanag na pangyayari ay nagpasya akong doon na magpalipas ng gabi upang kinabukasan ay makapamahagi pa ng relief goods sa iba nating kababayan na hindi pa naabutan ng ayuda.
Noong gabing ‘yun, halos kadidilim pa lamang ngunit, dahil maraming lugar ang walang kuryente at tubig, tila napakalalim na ng gabi at damang-dama ang lamig ng paligid. Habang nakatingin ako sa nakahilerang tent kung saan natutulog ang maraming bata ay napansin ko sa hindi kalayuan ang isang tatay na nakaupo sa gilid ng tent hawak ang isang tasa ng kape at nakatitig sa apoy na patuloy nilang nilalagyan ng gatong para magsilbing pantanggal-ginaw.
Lumapit ako at nakiupo at tila nataranta siya nang makita ako ngunit sinabihan ko na “Sige lang, magtatanggal lang ako ng ginaw,” ramdam ko na nahihiya siya pero nanatili lamang siyang nakaupo habang minamasdan ang natutulog niyang mga anak sa tent.
Kasabay noon ay dumating ang hiningi kong isang tasa ng kape at bago ko hinigop ay tinanong ko ang katabi kong tatay, “Malapit na ang Pasko, ano ang plano n’yo?” Nanatili siyang nakangiti pero hindi sumasagot.
May isang lalaki na nakaupo malapit din sa amin ang sumagot at sinabing, “Sir, hindi na namin iniisip ‘yan, ang mahalaga sa ngayon ay makabalik kami sa dati naming buhay pero hindi pa namin alam kung paano kami magsisimula.
“Baka hindi na muna namin ipagdiwang ang Pasko dahil sa nangyari na tila kinalimutan na kami at naubos ang aming kabuhayan dahil lang sa ilang minutong lindol,” dagdag pa nito.
Sa puntong ‘yun ay nagsalita na ang tatay na una kong tinanong, sabi niya, “Sir, sa kaso ko, hindi puwedeng walang Pasko kasi sanay silang tumanggap ng regalo mula kay Santa Claus at ayokong isipin ng mga anak ko na nalindol na kami ay hindi pa sila pinuntahan ni Santa Claus.
“Sir, darating ang panahon na malalaman nilang ako pala si Santa Claus kaya gusto kong manatili sa isip nila na kahit sa ganito naming kalagayan ay hindi sila nakakalimutan ni Santa Claus taun-taon, kaya gagawa ako ng paraan para maibili ko sila ng regalo, tapos magsisimba kami sa mismong araw ng Pasko. ‘Di ba, Sir, ‘yun naman ang diwa ng Pasko?”
Para akong binuhusan ng malamig na tubig at hindi agad nakakibo pero hangang-hanga ako sa tatag ng loob ng tatay na ito kaya pasimple ko siyang binulungan, “Titiyakin nating may panregalo ka sa iyong mga anak.”
Huli na nang mapansin kong naluluha ako, nawala ang pagka-action star ko. Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments