Road to AAU 2020 3x3 Challenge, abangan

Bibigyan ng malaking pagkakataon ang mga piling kabataang Filipinong basketbolista na lumahok sa prestihiyosong 2020 Amateur Athletic Union (AAU) World Championships ngayong Hulyo 14-24 sa Disneyworld sa Florida, Estados Unidos. Handog ng 1Hermes Sports, Wilson at suportado ng Philippine Sports Commission bilang bahagi ng kanilang pambansang grassroots program ang “Road To AAU 2020 3X3 Challenge” kung saan magkakaroon ng serye ng mga palaro sa buong kapuluan sa unang tatlong buwan ng 2020 para mabuo ang mga kakatawan sa bansa.
Kailangan bumuo ng isang koponan ng 3X3 na may apat na manlalaro at kung nanaisin, isang coach. Ang mga kampeon sa mga lalawigan ay tutuloy ng libre sa National Selection Camp sa Kalakhang Maynila sa Marso kung saan mabubuo na ang mga koponan para sa 5X5 na hahawakan ni Coach Joe Silva.
Bukas ang palarong ito sa dalawang kategorya, ang 19-Under para sa mga pinanganak ng 2001 pataas at 16-Under para sa mga pinanganak ng 2004 pataas. Dapat magpalista muna online sa Facebook ng “Pilipinas AAU” at sundan ang mga panuto.
Nakatakda ang mga Pocket Qualifier sa Ilagan (Enero), Passi (Pebrero 1-2) at Ormoc (Pebrero 8-9). Ang mga matagumpay na koponan ay dederecho sa mga Regional Qualifier sa Naga (Pebrero 15-16), Davao (Pebrero 22-23), Angeles (Pebrero 29 at Marso 1), Cebu (Marso 7-8) at Kalakhang Maynila (Marso 14-15) at lahat ng mga ito ay suportado ng mga pamahalaang lungsod ng mga host city.
Maliban sa torneo sa Estados Unidos, ang mga manlalaro sa 16-Under ang magiging mga kandidato para sa 2022 Youth Olympics sa Dakar, Senegal. Sina Ray Parks, Jeron Teng, Michael Pate at Michael Tolomia ang naglaro sa unang Youth Olympics noong 2010 sa Singapore kung saan nagtapos sila ng ika-siyam, ang pinakamataas na naabot ng isang bansang Asyano na hindi pa nahihigitan hanggang ngayon.





Comments