May mas mahalaga kesa sa regalo ngayong Pasko
Nancy Binay / Be Nice Tayo
Dalawang araw na lang, Pasko na! Sana, nakabili at nakapagbalot na tayo ng ating mga panregalo.
Sana rin ay tapos na tayong mamili ng mga kakailanganin natin para sa mga putahe na nais nating lutuin at ihanda sa Noche Buena at sa mismong araw ng Pasko.
Nawa’y hindi mawala sa atin ang ngiti at kagalakang dulot ng kapaskuhan, sa kabila ng kaliwa’t kanang mga party, handaan, reunion at Christmas rush.
Sana rin ay walang ma-offend kung sakaling batiin tayo ng “Tumaba ka yata?” o “Pumayat ka yata?”
Imbes na maimbiyerna, suklian na lamang natin ng matamis na ngiti ang mga ganitong pagbati.
Excited na ang aming pamilya na ipagdiwang ang okasyong ito kaya sana ay kayo rin!
◘◘◘
Nawa’y huwag nating kalimutan ang tunay na diwa ng Pasko. Hindi ito dahil makatatanggap tayo ng Christmas bonus o magagarang regalo tulad ng bagong gadgets, sapatos o damit.
Sinubok tayo ngayong taon ng mga kalamidad tulad ng bagyo at lindol pero naniniwala tayo sa katatagan nating mga Pinoy.
Nakatataba ng puso na malamang mayroong mga mabubuting Samaritano na handang magbigay-tulong anumang oras.
Naniniwala tayo na ang Maykapal ang ating sandigan sa kabila ng hirap na dumating sa ating buhay at walang pagsubok ang makapipigil sa selebrasyon natin ng Pasko.
Patuloy tayong naniniwala na sa puso ng bawat Pinoy ay nananalaytay ang init ng pag-ibig at pakikiramay sa kapwa, gayundin ang pagkakawanggawa.
Isang maligaya at makabuluhang kapaskuhan sa ating lahat, saanman tayo naroroon!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments