Angkas riders, babawasan para palitan ng 2 kalabang transport providers
- Ryan B. Sison
- Dec 23, 2019
- 2 min read

Mula nang nawala ang Uber at tumaas ang pamasahe sa Grab, “Angkas is the key” ang palaging sinasabi ng mga komyuter.
‘Pag male-late na sa trabaho at nagkaaberya ang mga pampublikong sasakyan, ito ang kanilang takbuhan para makaabot sa opisina at hindi mapagalitan ng kanilang boss.
Naaalala n’yo pa ba nang magkaproblema ang transformer ng LRT-2? Maraming komyuter ang naperhuwisyo kaya sumaklolo ang Angkas sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng sakay sa mga naabala mula Recto hanggang Santolan Stations o vice-versa para makarating sa kanilang pupuntahan.
Eh, ‘yung mga rider na kahit pagod na sa maghapong biyahe, pero susunduin tayo nang nakangiti at hindi alintana ang pagsuong sa trapik at ulan maihatid lang tayo nang maayos?
Sa kabila ng araw-araw na pagsalba ng Angkas sa mga komyuter na napeperhuwisyo ng trapik sa ilalim ng pilot run, aabot sa 17,000 Angkas riders ang pinangangambahang mawawalan ng hanapbuhay.
Ito ay matapos tanggihan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon ng Angkas na magkaroon ng karagdagang drivers, sa halip, nilimitahan ang bilang ng mga rider sa 10,000 mula sa dating 27,000.
Sa bagong panuntunan na ipinalabas ng isang technical working group ng LTFRB, pinayagan ang dalawang transport providers na JoyRide at Move It na makalahok sa pilot run na tatakbo hanggang Marso 23, 2020 mula ngayong Disyembre 23.
Ang limit na 30,000 motorsiklo sa Metro Manila at 9,000 sa Metro Cebu ay paghahatian ng tatlong players.
Mabilis itong umani ng reaksiyon sa mga rider at tumatangkilik ng Angkas. Hirit ng mga rider, kung 17,000 sa kanila ang mawawalan ng hanapbuhay, paano ang kani-kanilang pamilya sa susunod na taon? At kapag wala nang choice, kapit na lang ba sa patalim o illegal tulad ng habal-habal?
Tanong naman ng mga komyuter, bakit babawasan ang mga rider na may kaukulang training at nakapagbibigay ng magandang serbisyo sa mga pasahero?
Wala nang solid na solusyon sa problema sa trapik, babawasan pa ‘yung mga totoong nakakatulong. Hays!
Baka kaya gustong magdagdag ng Angkas riders ay dahil nakikita nilang palala nang palala ang sitwasyon ng trapik sa bansa?
Ano ba ang punto ng pagdaragdag ng transportation providers kung oks naman ang operasyon ng Angkas? Para ba hindi basta-bastang tumaas ang pamasahe rito o dahil sa makukuhang bayad ng gobyerno mula sa prangkisa ng dalawang kumpanya na idaragdag?
Sa panahon ngayon, motorsiklo ang pinakamaaasahang mode of transportation, kaya panawagan natin sa pamahalaan, kung hindi ninyo kayang payagan ang matagal na operasyon ng motorcycle taxis, ayusin ang mga pampublikong sasakyan at ‘wag daanin sa band aid solution ang problema sa trapik.
Unahin ang kapakanan ng mga mamamayan at hindi ng mga kapitalista.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments