top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Pagdanganan nasa World’s Top Ranking na ng golf

Eddie M. Paez, Jr.
Dec 22, 2019
2 min read

Naabot ni Pinay parbuster Bianca Pagdanganan ang pinakamataas na puwesto sa Women’s World Amateur Golf Ranking nang sumampa siya sa pang-38 na baytang sa buong mundo at maselyuhan hindi lang ang isang produktibong taon kundi pati na rin ang isang makulay na amateur career dahil sa 2020 ay sasabak na siya sa pro circuit.

Kasalukuyang may naipong 1085.7926 puntos ang 22-anyos na Pinay na dating nakababad sa labas ng top 50 at kailan lang nakasampa sa pang-40 posisyon bago nga lalo pang umangat papunta sa pang-38 na baytang.

Malaking instrumento sa pag-angat na ito ni Pagdanganan, dating pambato ng University of Arizona, ang paghablot niya ng individual gold sa women’s golf ng katatapos ng 30th SEAG kung saan tumayong punong-abala ang Pilipinas at kung saan itinanghal na overall champion ang mga atleta ng bansa.

Malupit na hamon ang dinaanan ng Pinay sa torneo dahil may mga tumatawad sa kanyang kakayahang maibandera sa event ang Pilipinas dahil sa dalawang mga kadahilanan: una, wala ang premyadong lady golfer ng bansa na si Yuka Saso na naging professional na, pangalawa, kasama sa SEAG ang malupit na Thai contingent sa pamumuno ni world amateur no. 1 Atthaya Thitikul at no. 13 Phimnipa Panthong.

Pero hindi nagpakaldag si Pagdanganan at dinaig ang mga world class Thai lady golfers paakyat sa trono. Bukod dito, pinangunahan niya rin ang bansa sa pagkuha ng team gold.

Magiging pro na si Pagdanganan sa susunod na taon matapos mag-qualify sa prestihiyosong Ladies Professional Golf Association. Pero nakatatak na sa kasaysayan ang makinang na amateur rekord ng dalaga.

Kasama sa talaan ng kanyang karera sa amateur ranks ay ang Asian Games gold (team event) at bronze (individual) medals, pangatlong puwesto sa 2019 US NCAA Championships Finals, korona ng 2019 Hawkeye El Tigre Invitationals, bronze sa Rebel Beach Intercollegiate, runner-up sa 2019 Philippine Amateur Open Championships, kampeonato ng 2018 Santi Cup, tersera sa 2018 Silverado Showdown at segunda sa 2018 US NCAA Championships Finals.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page