OA sa presyong singil sa paluto resto, raket na!

Shoutout sa mahihilig kumain d’yan sa labas, lalo na ngayong Holiday Season.
‘Yung tipong mas gusto n’yo na lang kumain sa labas para hindi hassle sa pamamalengke, pagluluto at pagliligpit pagkatapos ng kainan, pero baka sa halip na mag-enjoy, baka mapailing na lang kayo ‘pag nalaman n’yo na hindi sa lahat ng pagkakataon ay oks ito.
Patok na patok ngayon ang mga ‘paluto’ na restoran, lalo na sa mga nagdiriwang ng kaarawan, reunion at kung anu-ano pa. Kamakailan, nag-viral ang post ng netizen matapos umano silang ma-scam ng isang ‘paluto resto’ sa Pasay City.
Base sa post, umabot sa P9,000 ang bill nila dahil sa sobra-sobrang charge ng restoran sa pagluluto ng bawat putahe.
Biro pa ng nag-post, hindi siya na-highblood sa mga seafood na kinain nila dahil mas nakaka-highblood pa raw ang bill kesa sa pagkain.
Mabilis itong kumalat sa social media kung saan nagbahagi rin ng kanilang karanasan sa parehong restoran ang mga netizen na nakakita ng post.
May nagkuwento na ang style raw ay may manghaharang na staff sa mga magpa-park at mag-aalok ng libreng parking saka sila dinala sa restoran.
Nang makaorder, namili ang staff ng mga sangkap sa limang ulam na in-order nila na nagkakahalagang mahigit P5,000 at nang magbabayad na, umabot ng P9,000 ang bill at wala silang nagawa kundi magbayad na lang dahil nakain na ang mga in-order.
Kuwento pa ng isang nakakain sa restoran, P7,000 ang binayaran nila at dismayado sila sa serving ng pagkain dahil kung tatantiyahin, hindi umano umabot sa kalahating kilo ng ipinaluto nilang ulam ang nai-serve sa kanila kahit isang kilo ang kanilang order.
Mga tao nga naman, hindi naubusan ng diskarte para makapanloko ng ating kababayan. Tsk!
Hindi naman natin sinasabing lahat ng paluto resto ay nanloloko, gusto lang nating magbigay-babala sa mga kababayan natin na maging maingat sa mga restoran na gustong kainan.
Hangga’t maaari, ru’n tayo sa restoran na may magandang reputasyon at kahit medyo mahal kumpara sa iba, ‘wag manghinayang gumastos kung worth it naman ito.
Panawagan natin sa lokal na pamahalaan at mga ahensiya, baka naman puwede n’yong silipin ang mga ganitong klase ng restoran na over daw kung magpatong ng presyo.
At kapag napatunayang nanloloko, sampulan agad para magtanda at hindi na tularan ng iba pang restoran
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments