Coach Ayo, mananatiling mentor ng Growling Tigers

HIGIT pang patatatagin ni “Mayhem” tactician Aldin Ayo ang kanyang serbisyo bilang head coach ng University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers matapos itong pumirma ng karagdagang kontrata sa España-based squad.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, sinabi nito sa BULGAR na nag-extend ng contract ngayong Disyembre ang 42-anyos na Sorsogon City-native ng hanggang tatlong taon.
“Iyong lumang 3-year contract niya, wala na iyon, bale parang 4-years iyong pinirmahan niya. Sinama na lang iyong natitirang 1 year at dagdag na 3-years,” pahayag ng mapagkakatiwalaang source.
Nagawang madala ng dating Colegio de San Juan de Letran player ang Growling Tigers sa finals noong UAAP season 82 laban sa defending champion na Ateneo Blue Eagles, na kalauna’y napagtagumpayan ng huli sa dalawang game lamang sa best-of-three title series.
Napunta na sa tatlong koponan si Ayo sa loob ng limang taon na pagmamando ng koponan, kung saan unang napadpad ito bilang coach sa alma mater nitong Letran na dinala niya sa kampeonato noong 2015 laban sa San Beda sa NCAA kung saan tinanghal rin siyang Coach of the Year.
Nabigyan siya ng pagkakataon na hawakan ang De La Salle University Archers noong 2016 na kanya ring dinala sa titulo hawak ang mga player na sina Jeron Teng, Norbert Torres at Ben Mbala matapos talunin ang Ateneo.
Nakakuha na rin ng mga blue-chip recruits ang koponan ng UST mula kina guard Paul Manalang, dating NU player Bryan Samudio, wingman Christian Manaytay ng Sacred Heart-Ateneo Cebu at St. Clare College combo-guard Joshua Fontanilla.
“Ready na iyong mga players. Secured ang line-up ngayon with new recruits,” wika ng source, matapos umalis na sa koponan sina Renzo Subido at Zach Huang dahil sa pagka-ubos ng playing ng mga ito.





Comments