Alamin.. Mas pinadaling proseso ng pagkuha ng maternity benefit
- Buti Na Lang May SSS
- Dec 22, 2019
- 3 min read
Buti na lang may SSS

Dear SSS, Narinig ko sa radyo na may bagong guidelines ang SSS sa pag-claim ng maternity benefit. Anu-ano ang mga ito? Salamat. — Nancy
Sagot Mabuting araw sa‘yo, Nancy! Bago natin sagutin ang iyong katanungan, mula sa pamunuan ng Social Security System (SSS) na pinangungunahan ni President and Chief Executive Officer Aurora C. Ignacio, isang maalab na pagbati ng Maligayang Pasko sa inyong lahat lalo na sa masusugid nating mga tagasubaybay ng pitak na ito sa BULGAR. Hangad natin ang mapayapang pagdiriwang kasama ang inyong mga minamahal sa natatanging okasyong ito.
Napapanahon ang iyong katanungan, Nancy, lalo na at may kaugnayan ito sa panganganak kung saan ginugunita rin natin ang pagsilang ng ating Panginoong HesuKristo sa natatanging araw ng Pasko.
Mas pinadali ng SSS ang pagtanggap at pagpoproseso ng mga maternity benefit claim alinsunod sa mandato na padaliin ang mga transaksiyon sa gobyerno at epektibong maipatupad ang Republic Act 11210 o ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law (EMLL) na sinimulan noong Marso 11, 2019.
Kasama sa pagbabago ang pagpapasimple ng mga dokumentong kinakailangan para sa pagkuha ng benepisyo. Para sa caesarian delivery, hindi na kinakailangan ang karagdagang dokumento na nagsasabi ng paraan ng panganganak.
Gayundin, sa halip na ibalik ang mga aplikasyon sa maternity claim at mga dokumentong kasama nito na may mga pagkakamali, tatanggapin at ipoproseso na ito ng SSS kung mapatutunayan naman ito sa pamamagitan ng pagkakakilanlan ng miyembro.
Binibigyan din ng opsiyon ang mga babaeng miyembro na nag-apply para sa benepisyo sa kanilang panganganak kung babaguhin o pananatilihin nila ang kanilang apelyido sa pagkadalaga. Sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nasa ibang bansa ay magiging mas mabilis ang pagsumite ng mga kalakip na dokumento kung ito ay inisyu ng may “apostille” ng Foreign Ministry, Embassy o Consulate General, kapalit ng authentication mula sa Philippine Embassy/Consulate General.
Samantala, magiging madali na rin ang proseso ng reimbursement claim sa SSS ng mga employer kung saan ang kanilang mga empleyado na hindi na nakabalik sa pagtatrabaho at hindi nakapagpasa ng mga kinakailangang dokumento ay kinakailangang magpasa ng notification forms na may kasamang patunay ng kanilang pagdadalantao tulad ng pregnancy test na pirmado ng doctor/municipal health officer o resulta ng mga diagnostic test tulad ng ultrasound o blood pregnancy tests.
Kinakailangan din ng mga solo parent ang karagdagang dokumento na sa ilalim ng EMLL ay maaaring mabigyan ng karagdagang 15 araw na pagliban sa trabaho. Kailangan din nilang magpakita ng Solo Parent ID na naibigay sa loob ng dalawang taon mula sa panahon ng panganganak o certification of eligibility para sa solo parent na manggagaling sa Local Government Unit (LGU) at pirmado ng social worker at alkalde ng lungsod o munisipyo.
Dagdag pa sa nasabing mga pagbabago, ang SSS, bilang bahagi ng kasalukuyang proseso na maging online ang mga transaksiyon ay tumatanggap na rin ng notipikasyon sa pagbubuntis ng mga self-employed, voluntary, OFW at non-working spouse members sa pamamagitan ng e-channels tulad ng SSS Mobile App o My.SSS sa www.sss.gov.ph.
Para sa kumpletong listahan ng documentary requirements tungkol sa SSS Maternity Benefit, maaaring magsadya sa pinakamalapit na sangay nito sa inyong lugar, bisitahin ang SSS website sa www.sss.gov.ph, tumawag sa call center 1455 o kaya’y magpadala ng e-mail sa member_relations @sss.gov.ph.
***
Nais naming ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang-pampinansiyal. Magsadya lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar para sa inyong mga aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang taon.
Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.





Comments