top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Alalahanin natin, mga ambag sa palakasan ng mga yumao ng 2019

  • A. Servinio
  • Dec 22, 2019
  • 2 min read

Huwag sana nating kalimutan ang mga ambag ng mga pumanaw na personalidad sa sports nitong 2019. Sa yearender nating ito, alalahanin na muna natin ang kanilang mga naging naging bahagi sa palakasan, malaki man o maliit.

Unang linggo pa lang ng Enero ay yumao ang PBA pioneer na si Florendo “Boy” Ritualo, ama ng 2002 PBA Rookie of the Year Renren Ritualo. Ang matandang Ritualo ay naglaro para sa Great Taste Coffee mula 1975 hanggang 1983.

Noong Enero ay binaril ang dating kasapi ng Philippine Bowling team na si Angelo Constantino sa mismong palaruan na kanyang pinangangasiwaan sa San Juan City. Isang araw lang ang agwat, pumanaw dahil sa sakit ang tanyag na Volleyball coach na si Ernesto “Nes” Pamilar.

Nagulat din ang lahat sa biglaang pagpaalam ng 30-anyos na MILO Marathon King Rafael Poliquit noong Abril dahil sa sakit. Nagkampeon ang tubong Tagum City ng tatlong beses sa taunang patakbo at kakatawanin sana ang Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games.

Malaking puwang din ang iniwan ni Sheryl Reyes, ang ahente ng maraming mahusay at minahal na import sa PBA noong Mayo dahil sa kanser. Ito rin ang taon kung saan pumanaw ang mga dating import na sina Lewis Lloyd ng RFM-Swifts at Anthony Grundy ng Petron sa U.S.

Kanser din ang kumuha kay Susan Papa, ang dating national swimmer at coach, noong Mayo. Isa pang dating national athlete at beterano ng 1960 Rome Olympics na si Claro Pellosis ng Athletics ay inatake sa puso noong Hunyo.

Aksidenteng pagbaril sa sarili ang tinukoy ng pulis sa pagkamatay ni Vicvic Villavicencio noong Mayo. Ang may-ari ng mga tanyag na kainan ay dating may-ari ng koponan ng Triple V sa PBL at tumulong din sa Sailing, Sport Fishing at Golf.

Nagpaalam ang higanteng si Vincent San Diego matapos ang komplikasyon nang operahan sa puso noong Agosto. Nanalo ng ilang kampeonato ang 6’9" na sentro para sa DLSU at naglaro rin sa Metropolitan Basketball Association (MBA) para sa RCPI Negros at PBL para sa LBC Batangas. Sa panig ng NCAA, nagpaalam si Marlon Mario Carlos, ang kinatawan ng Emilio Aguinaldo College sa Management Committee. Sa pagsimula ng Season 95, pumanaw ang dating NCAA Juniors Basketball player na si Miguel Bolanos ng San Sebastian at San Beda-Rizal.

Noong Hunyo, isa pang dating PBA player na si Melvin Martin ang yumao. Naglaro ng dalawang taon si Martin para sa Tanduay bago ito nabili ng pamilya Tan na tumanggap ng malaking dagok pagsapit ng Nobyembre.

Malaking dagok din sa palakasan ang pagpanaw ng negosyanteng si Lucio “Bong” Tan Jr. matapos atakihin habang naglalaro ng basketball sa Mandaluyong. Si Tan ay ang head coach din ng UE sa UAAP at ang mga kompanya ng kanyang angkan ay laging handang tumulong sa mga atleta hindi lang sa basketball.

Isa pang negosyante na hindi nag-atubiling tumulong sa mga atleta na si John Gokongwei ay namaalam ilang araw bago kay Bong Tan. Si Gokongwei ang may-ari ng koponang Great Taste sa PBA.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page